IGINIIT ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na pangunahing prayoridad ng gobyerno ang seguridad sa pagkain habang binabantayan ang mga Pinoy mula sa mas mabilis na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo sanhi ng epekto ng mga nagdaang kalamidad.
Inaasahan pa rin ang pagbilis ng inflation sa kabila ng 7.6-percent gross domestic product growth sa third quarter ng taon.
Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang 7.7 percent na inflatioon na naitala noong Oktubre ang pinakamataas sa nakalipas na 14 taon.
Ayon kay Balisacan, na siya ring chief ng National Economic and Development Authority (NEDA), pangunahing prayoridad ng administrasyong Marcos na matiyak na may sapat na suplay ng pagkain sa domestic market.
Kapag may sapat na suplay sa domestic market ay mapoproteksiyunan, aniya, ang mga consumer mula sa pabago-pabagong paggalaw ng presyo.
“I want to underscore that our nation still faces a considerable burden in the form of high inflation due to heightened external risks and the brunt of recent typhoons,” ani Balisacan.
Aniya, target ng pamahalaan na palawigin ang Executive Order (EO) 171, na nilagdaan ni dating Presidente Rodrigo Duterte, na pansamantalang nagmo-modify sa import duties ng pork meat, rice, corn, at coal.
Ang EO na nilagdaan noong Mayo 21, 2022 ay epektibo lamang hanggang Dis. 31 ngayong taon.
“We are also considering the extension of Executive Order No. 171, which significantly reduces tariffs on rice, pork, and corn, thereby enhancing food security while food prices remain elevated,” dagdag ni Balisacan.