PANAHON na para maisabatas ang panukala na nagbabawal sa paggamit ng single-use plastic sa buong bansa, ayon kay House Minority Leader Benny Abante.
Ginawa ni Abante ang pahayag kasunod ng pag-iisyu ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) ng resolusyon na nagba-ban sa paggamit ng unnecessary single-use plastic products sa mga ahensiya ng pamahalaan, local government units (LGUs), at iba pang government-controlled offices.
Nanawagan si Abante sa kanyang mga kapwa mambabatas sa Kamara na aprubahan na at isabatas ang permanenteng pagbabawal sa pag-manufacture, pag-aangkat, pagbebenta at paggamit ng single-use plastic sa bansa.
Sa kanyang House Bill 3773, isinusulong ni Abante ang pagbabawal sa paggamit ng mga single-use plastic o yaong mga disposable plastic products na karaniwang ginagamit sa packaging ng mga produkto na isang gamitan lang at agad ding itinatapon.
Kabilang sa mga tinukoy na single-use plastic ang grocery bags, food packaging containers at bags, pet bottles, plastic straws at stirrers, styrofoam, cups, sachets, at plastic spoons and forks.
Iginiit ni Abante na matagal na sanang naisabatas ang kanyang panukala dahil sa lawak ng pinsala ng paggamit ng single-use plastic sa kapaligiran.
Batay sa datos, ang bansa ay nagpoprodyus ng 2.7 milyong metriko tonelada ng plastic at pumapangatlo ang bansa sa mismanaged plastic waste sa buong mundo.
Aabot din sa 163 million plastic sachet packets sa isang araw o 60 billion sachets kada taon ang nagagamit ng mga Filipino kung saan 80% ng mga ito ang napupunta sa mga karagatan. CONDE BATAC
Comments are closed.