INIULAT ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa kabuuang 38,805 ang bilang ng naitala nilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa bansa.
Batay sa inilabas na case bulletin ng DOH, nabatid na nakapagtala pa sila ng 294 na karagdagan pang kaso ng sakit hanggang alas-4 ng hapon ng Hulyo 2.
Ayon sa DOH, sa mga bagong bilang, 52 ang fresh cases habang 242 naman ang late cases.
Sa mga fresh cases, 10 ang mula sa National Capital Region (NCR); 25 mula sa iba pang lugar sa bansa, at 17 mula sa hanay ng repatriates habang sa mga late cases, 50 ang mula sa NCR; 164 naman sa iba pang lugar sa bansa at 28 mula sa hanay ng repatriates.
Ang magandang balita naman, may naitala rin ang DOH na 235 na pasyente pa na nakarekober mula sa sakit sanhi upang umakyat na sa 10,673 ang COVID-19 recoveries sa bansa.
Samantala, may apat namang naitalang nasawi dahil sa virus kaya’t umabot na ngayon sa 1,274 ang COVID-19 death toll sa Filipinas.
Nilinaw naman ng DOH na lahat ng apat na nasawi na ito ay noong Hunyo pa namatay at ngayon lamang naiulat sa ka-nilang tanggapan.
Samantala, nagpapakita ng positibong epekto sa ilang pasyenteng gumagamit ng antiviral drug na remdesivir, na isa sa mga pinag-aaralan bilang panlunas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Usec. Vergeire, ang ilang pasyenteng gumagamit ng gamot ay mas mabilis na gumagaling at nababawasan din ang panahon ng pangangailangan ng mga ito ng critical care.
Sa kabila naman nito, nilinaw ni Vergeire na hindi pa tapos ang trial sa gamot at ang naturang findings ay hindi pa rin konklusibo sa ngayon.
“Mayroon namang positive na feedback, hindi naman kumpleto pa ‘yan pero sinasabi nila nale-lessen ‘yung time na naka-admit sa critical care ang isang pasyente,” aniya. “Pero hindi ‘yan conclusive. Kailangan pa natin tapusin para masabi na talagang ‘yun talaga ‘yung resulta for everybody.”
Matatandaang kalahok ang Filipinas sa isinasagawang Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO) sa mga gamot na maaaring gamiting lunas kontra sa COVID-19.
Bukod sa remdisivir, na aprubado na ng Singapore at Japan bilang panlunas sa COVID-19, ang mga gamot pa na kalahok sa naturang trial ay ang antimalaria drug na hydroxychloroquine, ang anti-HIV drugs na lopinavir at ang ritonavir na kumbinasyon ng dalawa at interferon.
Nabatid na nasa kabuuang 361 COVID-19 patients mula sa 26 na pagamutan sa bansa ang kasalukuyang kasama sa trial. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.