(Total recoveries nasa 230K na) 20K BAGONG GUMALING SA COVID-19

DOH covid

INIULAT ng Department of Health (DOH) na umaabot na sa halos 230,000 ang mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na gumaling na mula sa naturang karamdaman sa bansa.

Batay sa case bulletin no. 190 na inisyu ng DOH,  nakapagtala pa ang DOH ng panibagong 20,021 COVID-19 recoveries hanggang 4PM nitong Setyembre 20, kaya’t nasa 229,865 na ngayon ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng gumaling na mula sa virus sa Filipinas.

Samantala, pumalo na rin sa 286,743 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases matapos silang makapagtala ng 3,311 bagong kaso ng COVID-19 hanggang nitong Linggo.

Pinakamarami sa mga bagong kaso ay mula pa rin sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 1,435 new cases, sumunod ang Neg­ros Occidental na may 261; Laguna na may 231; Rizal na may 204; at Cavite na may 174 naman.

“As of 4PM today, September 20, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 286,743, after 3,311 ca­ses newly-confirmed ca­ses were added to the list of COVID-19 patients,” anang DOH.  “DOH likewise announces 20,021 recoveries (625 from routine reports and 19,396 were time-based recoveries). This brings the total number of recoveries to 229,865.”

Sa naturang kabuuang bilang ng sakit, 51,894 pa ang itinuturing na active cases, at 86.6% ng mga ito ay mild cases lamang; 8.7% ang asymptomatic; 1.4% ang severe at 3.3% ang kritikal.

Samantala, mayroon  namang 55 pasyente ang iniulat ng DOH na binawian na rin ng buhay dahil sa karamdaman.

Sa bilang na ito, 33 ay nasawi ngayong Set­yembre, 17 noong Agosto, at lima noong Hulyo.

“Deaths were from NCR (29 or 53%), Region 7 (6 or 11%), Region 6 (5 or 9%), Region 4A (4 or 7%), Region 5 (3 or 5%), BARMM (3 or 5%), Region 1 (2 or 4%), Region 3 (1 or 2%), Region 8 (1 or 2%), and CARAGA (1 or 2%),”anang DOH.

Sa ngayon, pumalo na sa 4,984 kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19.

Mayroon  namang 29 na inalis ang DOH mula sa kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 na kanilang naireport.

Mayroon  28 kaso ang unang iniulat na nakarekober ngunit sa pinal na balidasyon, lumitaw na 25 sa mga ito ang binawian na ng buhay at tatlo ang aktibong kaso pa ng sakit.

May pito pa rin namang laboratory ang hindi nakapagsusumite ng kanilang datos sa COVID-19 Data Repository System (CDRS) hanggang nitong September 19, 2020.

Kabilang dito ang  AFRIMS- Collaborative Molecular Laboratory (VLUNA);  Dr. Jorge P. Royeca Hospital; Kaiser Medical Center Inc.; Oriental Mindoro Provincial Hospital – GeneXpert Laboratory; Taguig City Molecular Laboratory ; University of Perpetual Help System Dalta at Valenzuela Hope Molecular Laboratory. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.