TOTAL RECOVERIES SA COVID, 10,438 NA

DOH

PUMALO na sa 10,438 pasyente sa bansa ang gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay sa case bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH), nakapagtala pa sila ng 205 karagdagang COVID-19 recoveries hanggang alas-4 ng hapon ng  Hulyo 1, 2020.

Umakyat din sa 38,511 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa matapos na madagdagan ng 999 infections pa.

Sa mga bagong bilang, 595 ang fresh cases at 404 naman ang late cases.

Sa fresh cases, 175 ang mula sa National Capital Region (NCR); 134 ang mula sa Region 7, habang 286 naman ang mula sa iba pang lugar sa bansa habang sa late cases naman, 131 ang mula sa NCR; 57 mula sa Region 7; at 216 ang mula sa iba pang lugar sa bansa.

May apat  namang pasyente ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19 sanhi upang umakyat na sa 1,270 ang COVID-19 death toll sa Filipinas.

Nilinaw naman ng DOH na tatlo sa mga naturang binawian ng buhay ay noong Hunyo pa namatay at ngayon lamang nai-report sa kanilang tanggapan.

May dalawa ring ina­lis ang DOH sa kabuuang bilang ng mga COVID-19 cases sa bansa matapos matukoy sa kanilang balidasyon na nagka-roon ito ng duplikasyon.

Samantala, hinihikayat  ng DOH na manatili pa rin sa kanilang mga tahanan ang mga residente na nakatira sa mga lugar na isinailalim sa low-risk modified general community quarantine (MGCQ).

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing na hindi pa rin dapat na lumabas ng bahay kung wala namang kailangang gawin sa labas ng bahay.

Paliwanag niya kahit nasa low-risk MGCQ na, ay nakasailalim pa rin ang lahat sa community quarantine.

Dagdag pa nito, dapat pa ring panatilihin ang pagsusuot ng face mask kung lalabas, sumunod sa social distancing at madalas na maghugas ng kamay.

Nauna rito, inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na iiral ang low-risk MGCQ sa ilang lugar sa bansa simula Hulyo 1 hanggang 15.

Nananatili namang nakataas sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Cebu habang ang Metro Manila at iba pang lugar ay nasa GCQ. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.