TOTOY NAKALIGTAS SA KIDNAP

KIDNAPER

PARAÑAQUE CITY – ISANG umano’y miyembro ng kidnapping syndicate ang nahuli matapos na tangkain nitong tangayin ang isang 5 taon gulang na batang lalaki kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.

Nakakulong ngayon sa Paranaque City Police detention facility at nahaharap sa kasong Attempted Kidnapping ang suspect na si  Princess Diana Estabillo, 19 at nakatira sa Lambakin Dulo Biatya, Marilao, Bulacan.

Ang biktima naman ay isang estudyante sa kinder na nakilalang si Terrence James Valeriano at nakatira sa #1706 Espiritu St., Brgy. Baclaran, Para-ñaque City.

Sa report na natanggap ng hepe ng Parañaque City Police na si Police Colonel Jojo Rosales, naganap ang insidente alas-6:30 kamakalawa ng gabi sa Pinaglaban St. kanto ng Santa Rita Ex-tension, Brgy. Baclaran ng nabanggit na siyudad.

Nabatid na naglalaro ang biktima sa labas ng kanilang bahay kasama ang kanyang dalawang  kalaro na kinila­lang alyas Not-Not at Kulot  ng biglang sumulpot ang suspect at sinabihan nito ang paslit na samahan siya sa banyo.

Base sa pahayag ng ilang kapitbahay ng biktima,  kaagad na hinawakan  ng suspect ang paslit at saka  naglakad palayo sa bahay nito.

Ngunit napansin  ng ilang residente ang ginawa ng suspect na hindi naman kakilala kung kaya hinarang ng mga ito ang suspek at biktima.

Agad naman tumawag ng police assistance ang ibang residente na nagresulta nang pagkakadakip sa naturang suspect.

Napagalaman na ang suspek ay miyembro ng isang sindikato  na nakabase sa Bulacan na  ang modus ay ang pangingidnap sa mga paslit at inuutusan mamalimos sa kalsada.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng pulisya ang suspect at ina­alam kung anong grupo ang kinaaaniban nito.  MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.