TOURISM INFRA MADALIIN PARA SA COVID-19 RECOVERY

Alan Peter Cayetano

PINAMAMADALI ni House Speaker Alan Peter Ca­yetano ang pagtatayo ng mga imprastraktura para sa turismo.

Ayon kay Cayetano, sakali mang umabot ng dalawang taon ang ­COVID-19 ay tiyak na handang-handa na ang tourism industry ng bansa kung ngayon pa lamang ay bibilisan na ang pagpapagawa ng mga tourism-related infrastructure project.

Ngayon aniyang may paghihigpit sa mga aktibidad na panturismo ay dapat na samantalahin ng pamahalaan na madaliin ang mga imprastraktura at mga kakulangan dito.

Maaari aniyang maglaan ng malaking pondo para sa tourism infrastructure upang matiyak ang mabilis na pagpapatayo ng mga imprastrakturang magpapalakas sa turismo ng bansa.

Hinikayat din ng Speaker ang Department of Tourism (DOT) na pag-aralan ang mga magagandang kasanayan ng ibang mga bansa, partikular sa unit-unting pagbangon ng kanilang tourism sector.

Sa ilalim ng inaprubahang Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE) na iniakda ni Cayetano, may P58 billion na ilalaan para sa pagbangon ng turismo na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.  CONDE BATAC

Comments are closed.