KUMANA si Karl-Anthony Towns ng franchise-record 60 points at kumalawit ng 17 rebounds, at lumayo ang bisitang Minnesota Timberwolves sa second half para sa 149-139 panalo laban sa San Antonio Spurs nitong Lunes.
Ang career-high total ni Towns ay isa ring NBA high ngayong season. Ang kanyang naunang career best (isa ring franchise mark) ay 56, na naitala noong March 2018. Naiposte niya ang naturang rekord nitong Lunes sa pagtatapos ng third quarter, kung saan naitala niya ang 32 sa 46 points ng Minnesota at umiskor ng huling siyam na puntos ng kanyang koponan.
Nagdagdag si Patrick Beverley ng 20 points at 8 assists para sa Timberwolves, na nanalo ng dalawang sunod at walo sa kanilang huling siyam na laro.Tumipa si D’Angelo Russell ng 19 points.
Nagbuhos si Keldon Johnson ng career-best 34 points para sa San Antonio. Nag-ambag si Dejounte Murray ng 30 points at 12 assists, kumubra si Lonnie Walker IV ng 22 at nakalikom si Jakob Poeltl ng 21 points.
WARRIORS 126, WIZARDS 112
Nagsanib-puwersa sina Draymond Green at birthday boy Stephen Curry nang pataubin ng Golden State ang Washington sa San Francisco.
Nagbalik mula sa disc injury sa kanyang likod na nag-sideline sa kanya magmula noong January, nag-ambag si Green ng 6 points, 7 rebounds at 6 assists sa ik-4 na sunod na panalo ng Golden State. Bumuslo si Curry, nagdiwang ng kanyang ika-34 kaarawan nitong Lunes, ng 16-for-25 overall at 7-for-14 mula sa 3-point range sa pagkamada ng 47 points. Nagtala rin siya ng 6 rebounds at 6 assists.
Nakakolekta si Kristaps Porzingis ng 25 points at 8 rebounds para sa Wizards, na nakumpleto ang winless four-game Western swing.
Sa iba pang laro, dinispatsa ng Nuggets ang 76ers, 114-110; kinalawit ng Hawks ahg Trail Blazers, 122-113; ginapi ng Bucks ang Jazz, 117-111; hiniya ng Raptors ang Lakers, 114-103; namayani ang Hornets sa Thunder, 134-116; pinulbos ng Cavaliers ang Clippers, 120-111 (OT); at dinaig ng Kings ang Bulls 112-103.