MALIBAN sa pagkakaloob ng mas pinalawak at mas pinalaking social pension, dapat ding lumikha ang pamahalaan ng nauukol na trabaho para sa senior citizens na may kakayahan pang maghanapbuhay.
Ito ang sinabi ngayon ni Senador Sonny Angara kaugnay sa aniya’y pangangailangang pinansyal ng mga nakatatandang nagretiro pagsapit sa edad na 60.
Binigyang-diin ng senador na marami sa seniors na may edad 60-70 ay nagtataglay pa rin ng lakas at handa pa ring magtrabaho at kumita.
“Ang mga nakatatanda nating may kakayahan pa, at nagnanais pa ring magtrabaho kahit nakapagretiro na, maaari pa ring bigyan ng pagkakataong muling makapagtrabaho dahil maiaangat nito ang dignidad ng kanilang buhay,” ayon kay Angara, kilalang kampeon sa kapakanan ng senior citizens at muling tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng platapormang ‘Alagang Angara.’
Ani Angara, isa sa pinakamalalaking suliranin ng mga nakatatanda sa panahon ng kanilang pagreretiro ay seguridad sa kanilang pananalapi.
Karamihan sa kanila, maaaring masuong sa kahirapan dahil sa kawalan ng pagkakakitaan at posibleng maubos ang kanilang naipon, dahilan upang umasa sa tulong ng kanilang mga anak.
Dahil dito, nanawagan ang senador sa mga pamahalaang lokal, gayundin sa mga pribadong sektor na bigyan ng hanapbuhay ang mga nakatatanda kung tiyak namang kaya pa nilang magtrabaho.
Isa pa, ayon kay Angara, malinaw na nakasaad sa Section 5 ng RA 9257 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2003 na inaatasan ang gobyerno na bigyan ng tulong panghanapbuhay ang senior citizens na may kapasidad o kakayahan pang magtrabaho.
Isa naman si Angara sa mga awtor ng RA 9994 na nagbibigay ng dagdag benepisyo sa mga Lolo at Lola, kabilang na ang VAT exemption.
Sa kasalukuyan, base sa datos ng Commission on Population and Development, tinatayang 8.7 milyon na ang mga Filipinong may edad 60 pataas. Ang ibig sabihin, sila ang bumubuo sa 8.2 porsyento ng kabuuang 107 milyong populasyon ng mga Filipino.
Sa datos naman ng Coalition of Services of the Elderly (COSE), isang organisasyong binubuo ng iba’t ibang grupo ng senior citizens, tanging 33 porsyento lamang o 2.9 milyong seniors lamang ang sakop ng contributory pension, tulad ng SSS, GSIS at iba pang pension systems.
Sa mahigit 5 milyong senior citizens na walang contributory pension, tanging 3.4 milyon lamang sa kasalukuyan ang sakop ng Social Pension Program for Indigent Senior Citizens ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang mahigit 2 milyon pang nakatatanda, walang natatanggap kahit singkong pensyon mula sa gobyerno.
Ito ang dahilan kung bakit masigasig si Angara sa pagsusulong sa kanyang panukalang palawakin ang sakop ng social pension program ng pamahalaan upang pakinabangan din ito ng pinakamahihirap na senior citizens.
Kabilang din sa proposisyon ng senador na mula sa kasalukuyang P500 ay gawin nang P1,000 ang pensyon ng mahihirap na seniors.
Kabilang pa sa mga panukala ni Angara ang batas na magpaparusa sa mga mapatutunayang umaabuso sa mga nakatatanda.
Kabilang sa mga pang-aabusong ito ang pisikal na pananakit, pagpapahirap sa kanilang kalagayan, pang-aalipusta at iba pang uri ng pagmamaltrato. VICKY CERVALES
Comments are closed.