TRABAHO SA 4Ps BENEFICIARIES

Rolando Bautista

PORMAL na pinagtibay sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at Starboard Manpower Services, Inc. ang isang memorandum of understanding (MOU) upang bigyan ng trabaho ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4P’s) sa loob at labas ng bansa.

Sa ginanap na ceremonial signing sa Intramuros Maynila, sinabi ni DSWD Secretary Rolando Bautista na malaking tulong ito sa mga miyembro ng 4Ps program bilang tulong sa mahihirap na pamilya.

Sa ilalim ng MOU, ang DSWD ang  magkakaloob ng sertipikasyon para matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps upang magkaroon at makasama sa mga pagsasanay para sa kanilang mga trabaho.

Habang ipinarating ni Dr. Manuel Gorobat, Jr., president ng Starboard, Inc. isang manpower agency, handa silang ma­gbigay ng libreng training programs sa mga qualified beneficiaries  upang magamit ang mga kaalaman at talento ng mga nagnanais na pumasok sa naturang programa para sa kanilang mga gagampanang trabaho.

Bukod pa rito, handang tulungan din ng nasabing manpower agency na maiendorso ang mga qualified trainee sa kanilang mga pagdadalhang partner-employers para sa kanilang trabaho sa loob ng bansa gayundin sa abroad.

Sinabi naman ni DOLE Secretary Silvestre Bello na handa silang maglaan ng technical assistance sa DSWD at Starboard Inc. kasama na rito ang pagproseso ng mga trabaho ng mga mapipiling qualified trainees bilang bahagi ng naturang programa na nakatuon sa operational efficiency at pagpapatibay ng inter-agency partnership.

Ipinatupad ng pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD ang 4Ps bilang tulong sa mahihirap na  para mapagtuunan  ang edukas­yon, kalusugan at pagkain sa lamesa  sa pamamagitan ng pagbibigay ng conditional cash transfer scheme. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.