MAY trabahong naghihintay sa mga Filipino worker sa Guam, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Tinukoy ang labor market report ng Philippine Overseas Labor Office in Los Angeles (POLO-LA), sa pamamagitan ni Assistant Labor Attaché Armi Peña, sinabi ni Secretary Silvestre Bello III na nakahanda ang mga employer sa construction service sector na kunin ang serbisyo ng skilled at semi-skilled overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay Bello, marami nang kahilingan ang natanggap ng POLO-LA mula sa accredited employers sa ilalim ng construction sector sa Guam para sa job order at employment contract verification.
Sa pahayag ng labor department ng Guam, ang mga OFW ay iha-hire sa ilalim ng H2 visa.
Ang mga employer na nangangailangan ng mga manggagawa ay ang Northern Construction (27 job orders); 5M Construction Corp. (24 job orders – 11 carpenters, 12 cement masons, 1 heavy equipment operator); at BME and Sons, Inc. (10 job orders, all carpenters). Ang kanilang Philippine Recruitment Agency (PRA) ay ang Global Manpower.
Binuksan na ng Office of the Labor Attaché sa LA ang lahat ng communication lines para interbyuhin ang foreign principals para sa documentary requirements upang matukoy ang kanilang pagkatotoo.
Ang verified at approved job orders ng POLO-LA ay ang 27 job orders ng Northern Construction na may pitong master employment contracts para sa tatlong heavy equipment operators, tatlong HVAC (heating, ventilation, and air conditioning) at refrigeration mechanics, walong karpintero, siyam na cement masons, dalawang sheet metal workers, isang mechanical engineer, at isang civil engineer.
Sinabi pa ng POLO-LA na patuloy rin ang pagdating ng mga request para sa accreditation para sa mga bagong employer.
Kabilang dito ang Architectural Painting Services, LLC, na target na mag-empleyo ng 50 painters, kasama ang Venture Management Systems International Corp. bilang PRA nito.
Isa pang kompanya, ang Contrack Watts, Inc., ang naghahanap naman ng limang reinforcing metal workers, apat na heavy equipment operators, at apat na pipefitters, kung saan ang Global Manpower ang PRA nito.
Comments are closed.