(Trabaho sa oras ng pandemya) GALING NG OFWs GAMITIN SA PAGSAGIP SA EKONOMIYA

Imee Marcos

NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos na dapat gamitin ng gobyerno ang natutunang galing ng overseas Filipino workers (OFWs) upang maging mas epektibo ang mga planong pagsagip sa ekonomiya ng bansa mula sa pandemya ng COVID-19.

Ani Marcos, dapat simulan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-imbentaryo ng mga kakayanan ng mga OFW para malaman kung saan sila maaring gamitin ng gobyerno.

“Ang kaalaman, kasanayan, at masinop na pagtrabaho na natutunan ng ating mga OFW ay makabubuti sa sistema ng gobyerno at sa pag-unlad ng mga kanayunan kung saan sila nagsibalikan. Sayang naman kung ituturing lang silang tagapag-tanggap ng ayuda ng gobyerno,” diin ni Marcos.

“Ang mga seaman sanay maging lider ng taga-ibang bansa, mga construction worker alam na ang mga bagong paraan ng pagtayo ng mga gusali, mga health worker pamilyar na sa latest na pananaliksik at teknolohiya sa larangan ng medisina, mga master electrician may bagong kaalaman sa fire prevention, mga urban planner matalas ang kamalayan sa epekto ng kanilang mga disenyo sa kapaligiran,” dagdag pa nito.

Sa inaasahang paglala ng kawalan ng trabaho dahil sa pan­demya, sinabi ni Marcos na kailangang palawigin ng gobyerno ang mga programa sa paggawa ng trabaho dahil ang kasiguruhan sa suweldo at ang patuloy na paggastos ang magpapanatili sa takbo ng ekonomiya.

“Ilang dekada nang nakakaahon sa krisis ang ekonomiya ng bansa dahil sa mga remittance ng mga OFW. Ito ang tamang panahon upang ipakita ng gobyerno ang pasasalamat sa mga OFW,” giit nito.

Kaya’t upang mas organisado ang paggawa ng trabaho, isinulong ni Senador Marcos na pagsamahin ang mga perang ayuda at cash-for-work program ng DOLE at DSWD sa ilalim ng Trabaho sa Oras ng Pan­demya Act (TROPA).

Ang panukalang ito ay maglalaan ng pasimulang P200 milyon na ipa­mamahala ng isang konsehong binubuo ng mga ahensiya ng gobyerno at pamumunuan ng DOLE.

Sisiguruhin ng konseho na sapat ang suweldo, health insurance, at SSS benefits ng mga manggagawa na may pagkakataon din na makapagbakasyon. VICKY CERVALES

Comments are closed.