TRADERS, BINALAAN SA PAGBEBENTA NG SUBSTANDARD NA CHRISTMAS LIGHTS

CHRISTMAS LIGHTS

PINAALALAHANAN muli ng Department of Trade and Industry (DTI) – Regional Office 1 ang mga negosyante na iwasang magbenta ng mga uncertified products para mapangalagaan ang kaligtasan ng mga consumer.

Kasunod ito ng isinagawang pagsira ng mahigit P400,000 halaga ng mga nakumpiskang Christmas lights, steel bar at iba pang uncertified products kabilang na rin dito ang bombilya, pipes, lighter, adhesive tapes sa sanitary landfill sa lungsod ng San Fernando, La Union.

Ayon kay DTI Regional Office-1 Director Grace Baluyan, hindi pumasa sa mahigpit na standards ng ahensiya ang mga nasabing produkto at napatuna­yan na may mga nalabag din ang mga nagmamay-ari ng mga ito sa Fair Trade Laws.

Sinabi pa ni Baluyan, ang pagwasak sa mga nakumpiskang mga produkto ay magsisilbing babala sa mga negosyante na ayaw sumunod sa mga alintuntunin na ipinatutupad ng tanggapan.

Kahapon lamang nang sabay-sabay na inilatag sa sanitary landfill ang mga naturang bagay at pinasagasaan sa pison upang hindi na muling mapakinabangan. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.