MARIKINA CITY – UPANG maging ligtas at “hassle-free” sa pagdalaw sa sementeryo ngayong Undas, naglatag ng mga hakbangin ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina.
Bilang isang subok na sistema ng lungsod, ilang traffic rerouting schemes ang ipinatutupad simula kahapon, Oktubre 31, 12:00 ng tanghali at tatagal hanggang ngayong Nobyembre 1, 12:00 ng hatinggabi upang maibsan ang traffic at maiwasan ang pagkakaipon ng mga sasakyan sa mga sementeryo lalo na sa Loyola Memorial Park, ang pinakamalaking sementeryo sa lungsod.
Ang A. Bonifacio Avenue ay bukas sa one-way eastbound traffic mula Barangka Flyover hanggang Shoe Avenue stoplight. Ang lahat ng nais magpunta sa Loyola Memorial Park ay kailangang dumaan sa Marcos Highway patungong Barangka Flyover o Barangka Underloop upang makadaan sa A. Bonifacio Avenue.
Magsisilbi namang pasukan ang Gate 2 ng Loyola Memorial Park. Upang makapunta doon ay kailangang kumaliwa sa Plaza de las Flores, kaliwa sa Paspasan St., kakanan sa Don Gonzalo Puyat St. Samantala, ang Gate 1 na siyang main gate ng Loyola Memorial ay magsisilbing labasan, kung saan ang mga motorista ay kailangang kumanan sa Paspasan St., kakaliwa sa Chorillo St., at kakaliwa sa A. Bonifacio Avenue.
Ang Riverbanks Avenue ay bukas naman sa southbound traffic, patungong Marcos Highway, ibig sabihin ay maaaring dumaan ang mga motorista sa nasabing highway mula A. Bonifacio Avenue sa pamamagitan ng pagdaan sa Riverbanks Avenue.
Pinapayuhan ang mga motorista na magparada sa pay parking area ng Riverbanks Mall kung puno na ng nakaparadang sasakyan ang Loyola Memorial Park.
Asahan naman ang mabigat na daloy ng trapiko sa Nobyembre 3 (Sabado) at Nobyembre 4 (Linggo) sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue dahil sa inaasahang pagdagsa pa rin ng mga bibisita sa mga himlayan tulad ng karanasan noong nagdaang taon.
May mga nakaantabay na health stations, ambulansiya, pulis, at pamatay sunog sa mga sementeryo, at CCTV cameras na nakaposisyon sa buong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Nakaposisyon din ang command center sa apat na iba pang sementeryo sa lungsod (Our Lady of the Abandoned Parish Cemetery, Holy Child Cemetery, Aglipay Cemetery, at Barangka Cemetery). Ang mga ito ay kontrolado ng central command center ng Rescue 161 (Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office).
Pinapayuhan ng awtoridad ang mga dadalaw sa mga sementeryo na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na bagay sa loob ng sementeryo tulad ng mga ginagamit sa sugal, lumiliyab na bagay, nakamamatay o nakasasakit na sandata, alak, maiingay na gamit tulad ng karaoke, at iba pang katulad ng mga nabanggit. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.