QUEZON – LIMA ang nasawi habang 17 ang sugatan sa magkahiwalay na vehicular accident sa lalawigang ito.
Sa bayan ng Lopez, apat katao ang patay at walo ang sugatan matapos ang banggaan ng sports utility vehicle at passenger bus sa Maharlika Highway, Brgy. Malay alas-11:55 ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Paterno Carnate Jr., 47-anyos, driver ng Toyota HI-Ace na may plakang POX-822, residente ng Laoang, Northern Samar; at ang mga pasahero na sina Raymundo Acebuche, 56; Maryjoy Claire Acebuche, 48; at Racquel Acebuche, 20, estudyante.
Isinugod naman sa Ramon Magsaysay Memorial Hospital ang mga nasugatan.
Base sa report ni PMSg. Roman Edora, nag-overtake ang P&O Bus Liner na minamaneho ni Marlon Licon ng Muntinlupa City na patungong Bicol region nang sumalpok ito sa kasalubong na van.
Samantala, apat na sasakyan ang nagkarambola noong alas-8:00 ng umaga kahapon sa Purok Baybayin, Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City.
Dead on the spot ang driver ng Isuzu Elf na si Pacifico Cadag Jr., 55-anyos habang sugatan ang siyam na iba pa na isinugod sa Quezon Medical Center sa lungsod ng Lucena.
Lumabas sa imbestigasyon ng Lucena-PNP na unang bumangga ang Jac Liner bus na minamaneho ni Michael Salazar matapos itong mag-overtake sa sinusundang sasakyan na nagresulta ng karambola.
Nakakulong na si Salazar sa Lucena-PNP Lock Up Jail at sinampahan na rin ng kaso. BONG RIVERA
Comments are closed.