MALAGIM ang sinapit ng mga pasahero ng isang bus sa panibagong trahedya sa lansangan. Walo katao ang namatay habang 16 ang sugatan matapos na bumangga at bumaligtad ang Del Carmen bus sa North Luzon Expressway (NLEX) bandang 8:30 ng gabi noong Biyernes.
Ang bus na pag-aari ng Buenasher Transport at may plate # AGA 8610, na may sakay na mahigit 30 pasahero ay sumalpok sa concrete barrier ng NLEX southbound lane, paglagpas ng Smart Connect road malapit sa Valenzuela exit.
Sa panayam ko kay Valenzuela Police Chief Col. Carlito Garces, batay sa kanilang imbestigasyon ay malaking factor sa naganap na trahedya ang masamang panahon. Sa lakas ng ulan ay halos nag-‘zero-zero visibility’ kaya posibleng ito ang naging dahilan ng pagkakasagi ng bus sa isang SUV. Kinabig daw ng drayber ang manibela hanggang tuluyang mawalan ng control, sumalpok sa concrete barrier at bumaligtad.
Sinabi rin ng opisyal na nangako naman ang operator ng bus na kanilang sasagutin ang gastusin para sa mga namatay at sugatang pasahero sa aksidente.
Habang gumugulong pa ang imbestigasyon ng Valenzuela traffic police, hindi pa natin ganap masasabi kung sino talaga ang dapat sisihin sa kalunos-lunos na trahedya. Kung may pagkakamali ba ang drayber? Poor maintenance ba ng bus na kanyang minamaneho? O kaya naman ang road condition ng NLEX?
Maraming bagay na dapat isaalang-alang sa pagmamaneho para sa kaligtasan ng lahat ng pasahero. Kung masama ang panahon at malakas ang ulan, dapat higit na maging maingat at alerto ang may hawak ng manibela.
Malaking factor din ang kondisyon ng lansangan. Sapat ba at visible ang lahat ng bagay o gamit na posibleng mabangga o maaaring magdulot ng disgrasya gaya ng concrete barrier, poste, center island, manhole, lubak at marami pang road obstructions? Reflectorized ba ang mga warning sign?
Ang operator ng Nuestra Señora Del Carmen bus na si Vice Mayor Ricky Buenaventura ng Santa Maria, Bulacan ay kilala kong maingat sa pagpili ng matinong drayber. Tinitiyak niyang nasa tamang kondisyon at kaisipan sila bago sumampa sa manibela. Naglaan pa nga siya ng ‘quarter’ o lugar para matulugan kung puyat at pagod ang kanyang mga bus driver.
Bihirang masangkot sa aksidente ang mga bus ng Del Carmen dahil lagi raw uma-attend sa mga seminar at trainings conducted by LTO at LTFRB ang kanilang mga drayber at konduktor. Maayos ang maintenance ng bus units at kilala kong matinong magpatakbo ng negosyo si Buenaventura.
o0o
Ang Commonwealth Avenue sa Quezon City ay minsan nang binansagang “killer highway” dahil sa dami ng road accident na nangyari rito na ikinamatay ng maraming motorista at pedestrians. Ito ay may habang 12.4 kilometro at may 18 lanes, kaya itinuturing na pinakamalawak na lansangan sa Filipinas.
Kahit nagtakda ng speed limit na 60 km/hour ang MMDA, may average pa rin na 3 hanggang 5 vehicular accidents ang nangyayari kada araw.
Kahit 18 lanes ang Commonwealth Avenue, may portion na kumikipot ang kalsada sa apat o anim na linya na lamang lalo na sa bandang area ng Fairview. Idagdag pa ang construction ng poste ng MRT 7. Kaya nagkakaroon ng ‘choke point’ o ‘bottle neck’ na sanhi ng matinding traffic at madalas na mga aksidente.
Bagama’t laging ibinubunton ang sisi sa may hawak ng manibela, ang kawalan ng road safety regulations, ang disenyo at kondisyon ng nabanggit na highway ang pangunahing sanhi ng malulubhang car accident.
Karamihan sa mga aksidenteng ito ay ang pagsalpok ng sasakyan sa mga concrete barrier na hindi napapansin ng driver dahil kulang o walang reflectorized na warning signs.
Comments are closed.