TRAINING NG SEAG-BOUND ATHLETES SUPORTADO NG 3 LGUs

Abraham Tolentino

HINDI bababa sa tatlong local government units (LGUs) ang nagbukas ng kanilang pintuan sa national athletes na naghahanda para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi sa November.

Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino, ang naturang mga LGU ay ang Taguig, Tagaytay, at Sta. Rosa sa Laguna.

“I called friends who are willing and who have the passion for sports,” aniya sa online version ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.

Sinabi ni Taguig Mayor Lino Cayetano na maaaring suportahan ng lungsod ang mga atleta sa volleyball at table tennis, habang iho-host ni Tagaytay Mayor Agnes Tolentino ang mga atleta sa cycling at kickboxing.

Ayon naman kay Sta. Rosa  Mayor Arlene Arcillas, maaaring kupkupin ng lungsod ang 50 atleta mula sa anumang martial arts o combat sports tulad ng karate, judo o maging wrestling.

Ani Tolentino, isang congressman mula sa Tagaytay at head ng cycling federation, sumang-ayon ang LGUs na magkaloob ng accommodation, pagkain at training venue.

“Kasama lahat ‘yun starting on July 1up to November. It’s up to the NSAs (national sports associations) to decide on the duration of their stay,” sabi ni Tolentino.

Noong nakaraang linggo ay umapela si SEA Games chef de mission Ramon Fernandez, commissioner din ng Philippine Sports Commission (PSC), sa mga LGU na magbigay ng training venues para sa mga atleta dahil ang major sports facilities tulad ng Rizal Memorial Sports Complex sa Manila at Phil-Sports Complex sa Pasig ay ginagamit para sa COVID-19 purposes.

Sinabi pa ni Tolentino sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na dalawa pang LGUs ang maaaring sumuporta.

“If we get them, then good,” sabi ni Tolentino, at idinagdag na may sapat na panahon pa para makapagsanay ang mga  Filipino athlete para sa SEA Games na nakatakda sa Nov. 21-Dec. 2.

Ang mga atleta mula sa fencing ay nagsasanay sa isang secluded environment sa Ormoc habang ang mga archer ay naka-base sa Dumaguete.

Ang mga atleta mula sa athletics at aquatics ay magsasanay naman, aniya, sa Clark, ang pinagdausan ng  2019 SEA Games.

Sinabi pa ni Tolentino na nakalatag na rin ang vaccination program para sa mga atleta sa SEA Games, gayundin sa mga sasabak sa Tokyo Olympics sa July.

“We have three sources of the vaccine – the national government, (business tycoon) Mr. Enrique Razon and the subsidy from the Olympic Council of Asia. Whichever comes first, we will take it,” ani Tolentino.

Subalit tiniyak niya sa mga atleta, opisyal, coach at  mediamen na magiging bahagi ng Team Philippines na makatatanggap sila ng bakuna.

“The best vaccine is the ­available one,” dagdag ni Tolentino. CLYDE MARIANO

One thought on “TRAINING NG SEAG-BOUND ATHLETES SUPORTADO NG 3 LGUs”

Comments are closed.