DAPAT gawing onsite ang ang mga pagsasanay para sa mga barangay newly-elected official (BNEO).
Ito ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Año sa opisyal na pag-upo ng mga bagong halal na pinuno ng barangay ngayong buwan.
“Alinsunod sa paghihigpit ng pamahalaan, lahat ng pagsasanay para sa mga BNEO ay dapat gawin sa loob lamang ng kanilang mga lungsod o bayan upang siguraduhin ang tamang paggamit ng pondo ng pamahalaang lokal,” ani Año.
Kung walang maayos na lugar para pagdausan ng training sa loob ng kanilang bayan, maaari itong isagawa sa loob ng probinsiya o sa loob ng kanilang rehiyon upang magamit ng tama at sa nararapat ang pondo ng bayan.
“Nais natin ng maayos na simula para sa mga bagong halal na opisyal kaya naman hinihikayat namin silang isaalang-alang ang kaban ng bayan at gawin sa loob lamang ng kanilang mga bayan ang mga pagsasanay para sa mga BNEO na maghahanda sa kanila upang makapagbigay ng mataas na antas ng paglilingkod,” ani Año.
Ayon sa DILG Chief, ang GREAT o Grassroots Renewal and Empowerment for Accountable and Transparent Barangays Program ay magsasanay sa mga bagong halal na pinuno ng barangay para sa taong 2018-2020. Ang nasabing mga bagong halal ay hindi lamang yaong mga nahalal sa unang pagkakataon kundi maging ang mga muling nahalal sa pangalawa at pangatlong beses.
Hangarin ng programang GREAT na mas bigyang halaga ng mga BNEO ang kanilang mga tungkulin at magkaroon ng positibong pagbabago sa kanilang kakayahan sa personal, pamamahala at pamumuno na masasalamin sa pagtugon nila sa tawag ng mahusay na paglilingkod.
Ipinaliwanag naman ni DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan E. Malaya na nilalayon din ng GREAT na maipakita ng mga pamahalaang pambarangay ang maayos na pagganap sa kanilang tungkulin tungo sa mahusay na pamamahala; at magpamalas ng mga natatanging katangian tulad ng pakikiisa sa mga gawain sa komunidad, pagiging mapanagutan, may integridad at transparency ng BNEO sa pag-upo nila sa kanilang mga posisyon matapos ang halalan para sa transparency at accountability sa simula pa lamang ng kanilang termino sa pamamagitan ng maayos na pagpapasa ng mga dokumento at pag-aari. Ito ay lalahukan ng lahat ng opisyal ng barangay.
Ang Enhancing Barangay Performance o Component E ay nakatuon sa institusyonalisasyon ng performance measurement at awards system para sa mga barangay. J AMONGO
Comments are closed.