HINDI lang puro salita, puro rin gawa.
‘Yan ang ipinamamalas ngayon ng bagong pinuno ng Lungsod ng Maynila. Mula sa pagiging dating kolektor ng basura noong kanyang kabataan, hanggang sa naging artista dahil sa angking maamong mukha, at ngayon, isang mayor na nangunguna sa pagbabago ng imahe ng Maynila – mula sa pagiging marumi at delikadong lungsod patungo sa lungsod na maaaring dagsain ng mga turista.
Ang lungsod ng Maynila ang pinakasikat na lungsod sa bansa. Kilala ito sa buong mundo dahil ito ang kabisera natin. Maituturing itong sentro ng iba’t ibang kultura. Nariyan ang Intramuros at Escolta na may impluwensiya ng mga Espanyol. Narito rin ang Binondo na sentro ng kultura ng mga Tsino. Bukod pa riyan, napakaraming mga museo ang matatagpuan sa lungsod na ito. Nakalulungkot lamang na tila pinabayaan lamang itong mabulok ng mga naunang alkaldeng nanungkulan dito.
Laking tuwa ng mga Manilenyo nang mag-umpisang lumibot sa Kamaynilaan si Mayor Isko Moreno. Mismong siya ang nangasiwa sa paglilinis ng mga kalye na hindi na halos madaanan at ang pagpapaalis ng mga tinderong wala namang permiso mula sa city hall na kasama sa nagpapasikip ng mga lansangan sa lungsod. Isang malaking bagay na nagsagawa agad ng mga programa si Mayor Isko upang maibangon ang lungsod mula sa pagkakasadlak nito sa usapin ng kalinisan at kaayusan.
Si Mayor Isko ay nagiging matapat sa mga bagay na inaasahang makita ng mga Manilenyo sa isang lider na kanilang iniluklok sa posisyon. Ang mga residente ng isang lugar, saan man iyan, ay karaniwang umaasa na ang kanilang lider ay magkakaroon ng pakialam sa mga taong pinamumunuan nito. Inaasahan din ang mga lider na maging matatag lalo na sa paggawa ng tamang desisyon para sa lungsod na kanilang pinamumunuan. Dahil ganoon ang ating kasalukuyang Presidente, mainam na ganoon din ang klase ng lider na namumuno sa mga lungsod gaya ni Mayor Isko.
Sa unang araw pa lamang ng pagpasok bilang alkalde ng lungsod ay sumabak agad si Moreno sa paglilinis ng mga lansangan ng Divisoria, Blumentritt, Carriedo, at Plaza Miranda, kasama na ang underpass nito. Dito ko napagtanto na napakasuwerte ng Maynila na magkaroon ng lider na alam ang kanyang trabaho at kumikilos upang maisakatuparan ang kanyang layunin para sa lung-sod.
Nakatutuwang makita na ang mga yaman ng lungsod ay nagagamit sa tama. Ang mga trak ng bombero ay ginagamit sa paglilin-is ng mga lansangan. Sa mga ganitong maliliit na paraan maaaring magsimula ang isang malaking pagbabago.
Inamin ni Mayor Isko na inalok siya ng P5 milyon upang magbulag-bulagan at palusutin ang mga anomalyang nangyayari sa Maynila. Tinanggihan ito ni Moreno at nagpatuloy sa kanyang pagtatrabaho upang maibangon ang imahe ng Maynila.
Naging kapansin-pansin agad ang mga pagbabago na nangyari sa mga unang araw pa lamang ng kanyang pag-upo sa puwesto. Kumalat agad ang mga litrato ng Divisoria na hindi mo na halos makilala dahil sa sobrang linis at luwag ng mga daan dito. Nag-mukhang mapayapa at malinis ang dating sobrang gulo at sobrang ingay na Divisoria. Tila himala ang nangyari sa lugar.
Sa mga malaking pagbabago sa itsura ng Maynila sa kasalukuyan, nakatatanggap ng papuri si Moreno mula sa ibang opisyal ng gobyerno gaya ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na personal pa siyang kinausap at binati para sa magagandang pagbabago na nangyari sa Maynila mula nang siya’y naupo bilang alkalde.
Sinabi rin ni Senator Lacson patungkol kay Moreno na, “Leaders like him make me think about retirement.” Sinabi naman ni Senator Recto, “Isko Moreno is the glowing ‘Exhibit A’ of the reality that many of the country’s problems can be solved without having to rewrite the constitution.”
Nakuha naman ni Moreno ang buong suporta ni Interior Secretary Eduardo Año na talagang bilib din sa kanyang nagawang pagbabago. Binigyang-diin ni Año ang ginawang pagpapaalis ni Mayor Isko sa mga taong tumira nang walang paalam sa paligid ng Manila Bay na itinuturing na danger zone. Nakatulong ito sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Bukod sa maraming magagandang bagay na kasalukuyang ginagawa ni Mayor Isko, marami rin siyang sinasabing mga bagay na talaga namang tama. Sinabi niya na plano niyang pangalagaan ang Arroceros pocket forest, linisin ang Manila Zoo, at sa pakikipagtulungan sa Department of Tourism upang maging ligtas sa mga turista ang pagbisita sa Intramuros.
Nais ni Mayor Isko na gumawa ng ‘tourism circuit’ na magdurugtong sa Intramuros sa National Museum, Rizal Park, Binondo, at iba pang mga distritong pamana sa atin na matatagpuan sa lungsod. Plano rin niyang makipag-ugnayan sa Intramuros Administra-tion (IA) upang magbigay ng suporta sa programa nito ukol sa ‘urban regeneration’.
Suportado naman ni Tourism Secretary Berna Romulo Puyat si Mayor Isko. Sabi ng kalihim, “Manila is the crucible of Philip-pine history and culture, and the primary gateway to the country’s 7,641 island destinations. We share the vision and enthusiasm of Mayor Moreno in providing our international visitors a great first impression of the Philippines as soon as they set foot in Manila.”
Walang nagsasabing magiging madali ang proseso ngunit laging mas mabigat ang mga bagay-bagay para sa taong nanun-ungkulan. Ang maganda sa kasalukuyan, mukhang determinado ang mga bagong alkalde sa pagharap ng hamon na kaakibat ng kanilang tinanggap na tungkulin. Nasa mga itsura nila ang pagkapagod sa mga dating kaugalian at naghahanap ng pagbabago sa sistema. Sa pamamagitan ng kanilang mga ginagawa, nagbabago rin ang puso at isip ng mga taong kanilang pinaglilingkuran. Ka-dalasan, ito ang kailangan natin para sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan.
Sinabi ni Mayor Isko na nagsisimula pa lamang siya at siniguro sa publiko na tatapusin niya ang kanyang sinimulan. Paniguradong aasa at magbabantay hindi lamang ang mga Manilenyo kundi maging ang buong bansa.
Comments are closed.