PASAY CITY – NASA 20 female strike force ang idineploy ng Philippine National Police-Highway Patrol Group na unang nagmando ng trapiko sa EDSA.
Ayon sa pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) and 20 female strike force na dineploy ng HPG ay pauna pa lamang at ito ay masusundan pa sa mga susunod na araw lalo na ngayong bumibigat na ang traffic sa EDSA dahil sa pagpasok ng “BER” months.
Bukod sa pagtulong upang mapabilis ang daloy ng traffic sa EDSA, ang mga babaeng motocycle-riding cops ay naatasan din na magbigay-tulong o rumesponde sa anumang aksidente sa kalsada.
Base sa report ang 20 babaeng motorcycle-riding cops ay inatasang magbigay responde sa anumang sitwasyon sa kalsada lalo na sa mga coke points sa area ng Cubao-Makati.
“Bilang HPG ‘yun naman po talaga trabaho namin na tumulong sa EDSA para maibsan ang traffic,” pahayag ni Judy Ann Maata na siyang tumatayong team leader ng grupo.
“‘Yung proper training po namin sa pagmomotor may confidence po kami na ‘pag pinalabas kami, ready po kami sa anumang situation na kailangan puntahan,” dagdag pa ni Maata.
Hiling din ng mga babaeng police officers sa mga driver at motorists na sila ay irespeto pati na rin ang mga regulasyon sa kalsada.
“Hindi naman sa katakutan pero kung susunod lang sila sa batas and hindi naman sila magvi-violate, wala naman pong problemang mangyayari,” pahayag ni Maata.
Base sa datos ng MMDA ay nasa 402,000 sasakyan ang dumadaan sa EDSA araw-araw na sobra sa kapasidad na 100,000. MARIVIC FERNANDEZ