INALIS na ng Filipinas ang travel ban sa Taiwan kaugnay sa pagsisikap na maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus Disease-2019.
Inanunsiyo ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na ang pasya ng Palasyo ay makaraan ang pagpupulong sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) kahapon.
“Accordingly, travel may now be made by any national to Taiwan from the Philippines and vice versa,” pahayag ni Panelo.
Ang lifting ng travel ban ay napagkasunduan ng mga miyembro ng IATF habang pag-aaralan din ang posibleng pag-aalis ng travel ban sa ibang lugar, katulad ng Macau.
Sakop din ng travel ban ng COVID-19 ang mainland China at Hong Kong.
Binigyang-diin naman ng Office of the President na ang anumang resolusyon kaugnay sa pagbabawal magbiyahe kaugnay sa nasabing sakit ay kailangang dumaan sa masusing pagsusuri ng IATF.
Kamakalawa ay tinatalakay na ng gobyerno ng Taiwan ang tila pagganti sa Filipinas dahil sa ginawang pag-ban sa kanilang bansa na makabiyahe ganoon din ang papalabas ng Filipinas. Kabilang sa maaring gawin ng Taiwan ay ang pagkansela ng visa-free entry para sa mga Filipino na resulta ng travel ban.
Iginiit din ng mga ito na sila ay state na independent sa China na pinagmulan ng nasabing virus.
Nilinaw naman ng Palasyo na ang kaligtasan ng mamamayang Filipino at hindi politika ang dahilan ng ipinatupad na temporary travel ban sa Taiwan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.