KARAMIHAN sa mommy ngayon ay nagtatrabaho na rin. Hindi lamang kalalakihan ang kumakayod para sa pamilya kundi maging ang mga kababaihan. Mahirap na nga naman ang buhay ngayon kaya’t magkatuwang na ang mag-asawa sa paghahanapbuhay at pagpapalaki ng kanilang mga anak. Maging sa gawaing bahay nga ay puwede na ring asahan ang mga lalaki.
May mga kababaihan pa rin hanggang ngayon na mas pinipiling manatili sa bahay upang maalagaang mabuti ang mga anak. Mas gusto nilang hands-on sila sa pamilya. Hindi rin naman porke’t nasa bahay lang sila ay masasabi na nating nakatali sila sa sinaunang nakagawian na ‘ang babae ay pambahay lamang’. May mga dahilan ang bawat isa o ang bawat ina kung mas pinili nilang mag-stay sa bahay. May maganda ring dahilan ang mga ina na mas ginustong magtrabaho o mag-opisina.
Isa sa mahirap pagsabayin ang pagiging ina at ang pagtatrabaho. Pero ang isang solusyon dito ay ang time management. Balansehin ang oras. Planuhin ang bagay-bagay. Huwag magpadalos-dalos at pag-isipan ang lahat ng aksiyong gagawin—tungkol man iyan sa pamilya, sarili o maging sa trabaho.
At bilang business woman, hindi maiiwasan ang pagta-travel. Hinihingi kung minsan ng opisina at pagkakataon na magtungo sa ibang lugar para sa pagpapalawak ng kaalaman at para na rin sa kapakanan ng kompanyang pinaglilingkuran.
Sa mga ganitong pagkakataon, kadalasan ay nahihirapan tayong magpaalam sa ating mga anak lalo na kung ilang araw tayong mawawala. Mabigat sa ating loob. Kaya naman, narito ang ilang tips para sa mga mommy nang mapadali ang pagta-travel o pagdedesisyon:
ALISIN ANG ‘GUILT’ NA PAKIRAMDAM
Siyempre, magi-guilty tayo. Hindi maiiwasan iyan. Talaga namang kapag nalalayo tayo sa ating pamilya, nagi-guilty tayo. Iyong gabihin ka nga lang sa pag-uwi dahil sa rami ng kailangan mong tapusin sa opisina, pakiramdam natin ay hindi na tayo mabuting ina.
Tandaan nating ginagawa natin ang lahat para sa ating pamilya, sa ating mga anak. Hindi naman pansariling kapakanan ang dahilan kung kaya’t nagpapakahirap tayong magtrabaho. Lahat ng ginagawa natin ay para sa kanila. Pero siyempre, huwag din namang puro trabaho lang. Maglaan din tayo ng panahon sa kanila.
MAGPAALAM NG MAS MAAGA
Para hindi rin mabigla ang mga anak, makabubuti rin kung magpapaalam ng mas maaga. Ipaalam sa kanila kung kailan ka aalis. Siyempre, kailangan mo ring sabihin na dahil ito sa trabaho.
Kung tutuusin, madali namang kausap ang mga bata. Halimbawa na lang ang tatlong taong gulang kong anak, mas naiintindihan niya kapag nagpapaalam ako ng mas maaga. One week akong nasa Baguio para sa workshop, at para hindi siya mabigla, matagal pa ang araw ng pag-alis ko ay sinabi ko na sa kanya. Sabihin mang three years old pa lang siya, tingin ko naman ay naiintindihan na niya. Kaya’t hindi ako gaanong nahirapan nang dumating ang araw na kailangan ko nang umalis. Iyon nga lang, talagang hindi mo mapigil ang ma-miss sila habang nasa malayo ka.
Kailangan din kasi nating ihanda ang ating mga anak. Kumbaga, kahit na matagal o malayo-layo pa ang araw na magta-travel tayo dahil sa trabaho, ipaalam na natin sa kanila.
MAGPLANO KASAMA ANG MGA ANAK
Importante rin ang pagpaplano sa pagtungo sa iba’t ibang lugar kahit pa dahil iyan sa trabaho. Para rin hindi gaanong malungkot ang anak, maganda rin kung habang nagpaplano ka ay isasama mo siya sa paggawa nito. Kumbaga, humingi ka rin ng suhestiyon sa kanila ng mga puwede mong gawin sa pupuntahang lugar para hindi ka malungkot at mabagot.
TEKNOLOHIYA, NAPAKAHALAGA KAPAG NAGTA-TRAVEL
Hindi nga naman nawawala ang teknolohiya sa buhay ng tao. Nakapagpapagaan nga naman ito ng pang-araw-araw na gawain. Napakaimportante rin nito sa bawat isa sa atin lalo na kapag malayo tayo sa pamilya.
Habang nasa malayo, mainam ang pagtawag o pagte-text sa mga anak. Kumustahin sila. tanungin kung naging maganda ba ang araw nila. Alamin kung naging masaya ba sila sa buong araw at nakakain ba ng maayos.
Kahit na nasa malayo tayo, sabihin mang dagat at bundok ang naging pagitan ninyo, maaari pa rin ninyong maiparamdam sa mga anak ang inyong pagmamahal. Swak din ang video call.
Talagang hinihingi ng pagkakataon na malayo tayo sa ating pamilya paminsan-minsan dahil sa trabaho pero marami pa rin namang paraan para mapadali ang buhay natin kahit na nasa malayo tayo. Maaari rin nating ihanda ang pamilya, lalong-lalo na ang ating mga anak sa gagawin nating business trip. CS SALUD
Comments are closed.