PARA mapanatili ang magandang kredensiyal ng triathlon sa international arena, sinabi ni Triathlon Association of the Philippines (TRAP) president Tom Carrasco na palalakasin niya ang kanyang grassroots programs sa layuning makatuklas ng mga batang may potensiyal na magbigay ng karangalan sa bansa.
“In sports, athletes come and go. Kailangang palakasin ko ang grassroots programs at makatuklas ng maraming batang atleta na kakatawan sa bansa sa mga darating na international competition,” sabi ni Carrasco.
“Hindi sa lahat ng panahon ay mananatili ang atletang lumalaban. Darating ang panahon na magreretiro sila at kailangang may nakahandang kapalit sa orasng pangangailangan,” aniya.
Sinabi ni Carrasco na maraming foreign invitations ang dumating sa kanyang opisina na inaanyayahan ang mga Pinoy na sumali sa iba’t ibang torneo.
“Kailangang paghandaan natin ito para mahasa at lumawak ang karanasan ng mga Pinoy at makasabay sa kanilang foreign counterparts,” dagdag pa ni Carrasco.
Dinomina nina John Leerams Chicano at Kim Mangrobang ang men’s at women’s categories sa katatapos na 30th SEA Games at dinuplika ang kanilang tagumpay sa Singapore at Malaysia.
“Ang tagumpay sa sports ay nakasalalay sa effective, viable, comprehensive and long sustainable sports programs,” sambit ni Carrasco. CLYDE MARIANO
Comments are closed.