(Tricycle drivers, dapat ibilang sa programa) PAKIUSAP NG PASAHERO PARTYLIST SA DOTr: FUEL SUBSIDY GUIDELINES ILABAS NA

MULING nanawagan ang PASAHERO Partylist sa gobyerno na sa pagpapatupad ng fuel subsidies ay huwag namang kalimutang ibilang sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pasada program ang mga tricycle driver.

“Pagkakataon na ng gobyerno para matulungan naman ang mga kaawa-awang tricycle drivers natin.

Napag-iwanan sila sa mga programa ng pamahalaan na tutulong sa mga maliliit na sangay ng transportation sector na talagang hinagupit ng pandemya. Sila rin ang pinaka-magdurusa ngayong tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo,” ayon kay PASAHERO Partylist founder Robert Nazal.

Matatandaan na nagpahayag ang inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC) na magkakaloob sila ng fuel subsidies sa transport at agricultural sectors upang salagan sila sa pagsirit ng presyo ng langis na ngayon ay lumagpas na sa $100-per-barrel threshold.

Nagpahayag naman ang Department of Budget and Management (DBM), na siyang namumuno sa DBCC na hanggang ngayon ay hinihintay pa nila ang guidelines ng DOTr patungkol sa fuel subsidies.

Hinimok din ni Nazal ang DOTr na kung maaari ay bilisan na ng ahensiya ang paglalabas ng guidelines upang maiparating na ang mga benepisyo sa target beneficiaries na kinabibilangan ng tricycle drivers base sa mandato ng GAA of 2022.

Aniya, may karapatan din ang tinatawag na “tatlong gulong” sectors na mabigyan ng tulong pinansiyal lalo na ngayong patuloy ang taas-presyo ng krudo sa gitna ng pandemya.

Pinasalamatan naman ni Nazal si NCR Tricycle Operators and Drivers Association (NCR TODA) Coalition head Ismael Sevilla sa pagkiling nito sa kahilingan PASAHERO na isama sa fuel subsidy program ang tricycle drivers.

Nauna rito, nagpahayag si Nazal na kung may tinamaan nang husto ang pandemya, ito ay ang tricycle drivers na dumanas ng patong-patong na krisis dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic sa mga hanapbuhay.
“Humina ang kanilang pasada, tumaas ang presyo ng langis pero wala silang natanggap na ayuda mula sa national government, at sa kabila nito hindi naman tumaas ang kanilang pasahe. Tayo ay umaasa na ang ayudang ito (fuel subsidy) ay makakarating sa ating mga trike drivers ora mismo,” pahayag pa ni Nazal.

Sinabi naman ni PASAHERO Partylist co-founder Allan Yap na kailangang tiyakin ng pamahalaan na sa pagkakataong ito ay hindi na mapag-iiwanan ang mga tricycle drivers.

Ang PASAHERO o ang Passengers and Riders Organization Inc., ay isang non-stock, non-profit organization na naglalayong ikatawan sa Kongreso ang iba’t ibang uri ng public transport at kabilang dito ang tricycle operators and drivers sa buong kapuluan. Pangunahing layunin ng grupo na maresolba ang lahat ng problema at krisis na sinapit ng sektor.

Nitong nakaraang taon, pormal at opisyal na idineklara ng Commission on Election ang PASAHERO Partylist bilang isang lehitimong partido na maaaring sumabak sa eleksiyon sa Mayo 9.

Inindorso ng iba’t ibang tricycle operators and drivers association (TODA) sa buong Luzon ang kandidatura ng PASAHERO, gayundin ng may 150,000 miyembro ng NCR TODA Coalition kasama ang Panlalawigan Pederasyon ng Bulacan, na binubuo ng 24 city and municipal TODAs na may tinatayang 103,000 miyembro.