ARESTADO ang walong pinaghihinalaang tulak ng droga sa magkakasunod na pagsasagawa ng apat na magkakahiwalay na drug buy bust operation ng Pasay City police kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Colonel Bernard Yang, Pasay City police chief, ang mga naaresto na sina Roberto Bernaldez, tricycle driver; Melvin Brodit, ng Brgy. Don Galo, Parañaque City; Enrico Figura, at Arwin Espina, ng Barangay 1 Zone 1, Pasay City; Halyas Nica, 20; at Mark Christian Biligan, 22, kapwa nakatira sa Brgy. 201 Zone 20; Rosario Halili alyas Chayong, 43, at Maverick Foster, alyas Chu-Chu, 22, ng Brgy. 152 Zone.
Unang inaresto sa pamamagitan ng buy bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) bandang alas-12:45 ng madaling araw kahapon sina Bernaldez at Brodit sa kanilang bahay sa Pasay City kung saan nakumpiska sa kanila ang mahigit pitong gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P52,360 at mga drug paraphernalia.
Bandang ala-1:00 ng madaling araw rin kahapon nang malambat sina Figura at Espina mismo sa kanilang tinutuluyan na bahay sa Barangay 1 Zone 1 at nakuhanan ng 5 transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu na may halagang P5,000.
Sinundan ng SDEU ang kanilang buy bust operation sa kanila ring bahay bandang alas-3:00 ng madaling araw na nagdulot sa pagkakaaresto nina Abalos at Biligan na nahulihan ng 3.5 gramo ng shabu na may halagang P23,800.
Makaraan ang mahigit isang oras dakong 4:45 ng umaga kahapon naaresto rin sa buy bust operation sina Halili at Foster sa kanilang bahay kung saan narekober sa posesyon ng mga suspek ang 17 maliit na plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at ang buy bust money na P500. MARIVIC FERNANDEZ