TRIKER NA SANGKOT SA DROGA NIRATRAT NG TANDEM

baril

PASAY CITY – PATAY  ang isang tricycle driver na sangkot ‘di umano sa ilegal na droga makaraang pagbabarilin ng dalawang suspek na riding in tandem habang kinukumpuni ang kanyang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Colonel Bernard Yang ang biktima na si Maurice Castillo, 27, residente ng 131 P. Manahan St., Barangay 30, Pasay City.

Idineklarang dead on arrival sa Pasay City General Hospital si Castillo sanhi ng tama ng mga bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Ayon sa report na isinumite ni Yang sa Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente ng pamamaril bandang alas-9:45 ng gabi kamakalawa sa harapan ng bahay ni Castillo.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang kinukumpuni ni Castillo sa harapan ng kanilang bahay ang kanyang motorsiklo nang dumating ang dalawang suspek lulan ng kanilang sinasakyang motorsiklo at pagtapat ng mga ito sa biktima ay agad na pinaputukan ito.

Duguang bumulagta ang biktima sa kalsada habang papalayo naman ang mga suspek sa lugar ng pinangyarihan ng krimen patungo sa direksiyon ng F.B.Harrison Street hanggang sa tuluyan na makatakas ang mga ito.

Napag-alaman din ng pulisya na ang biktima ay napapabilang din sa listahan ng drug watchlist at naaresto na rin ito sa kasong rape ngunit nakamtan ang kanyang kalayaan matapos na hindi itinuloy ng complainant ang reklamo laban sa kanya.

Patuloy ang imbestigasyon ng Pasay City police upang alamin ang motibo sa pagkakapatay sa biktima kung may kinalaman ito sa pagkakasangkot nito sa droga o may kaugnayan sa dati nitong kinakaharap na kasong panggagahasa.                       MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.