SINELYUHAN ni LeBron James ang isa sa kanyang pinakapambihirang triple-double performances sa dalawang free throws, may 1.2 segundo ang nalalabi sa ikalawang overtime, na nagbigay sa Los Angeles Lakers ng 145-144 panalo laban sa Golden State Warriors sa San Francisco noong Sabado ng gabi.
Ang nationally televised victory ay dumating sa gabing nagbabadya ang masamang balita sa Lakers, na sinimulan ang six-game trip, nang dahan-dahan naglakad si Anthony Davis patungong locker room sa third quarter, makaraang magtamo ng tila seryosong hip injury.
Gayunman ay bumalik si Davis sa fourth quarter at bagama’t kapansin-pansin na iika-ika sa katapusan ng laro ay nakumpleto ang 29-point, 13-rebound double-double sa loob ng 45 minuto. Nagtala rin siya ng 4 blocks.
Sumalang si James sa 48 ng 58 minuto ng laro, kumamada ng career-high 20 rebounds na sinamahan ng 36 points at 12 assists sa kanyang ika-110 career triple-double.
Ang kanyang free throws ay dumating makaraang bigyan ni Stephen Curry ang Golden State ng 144-143 lead sa isang 3-pointer, may 5.9 segundo ang nalalabi. Tumapos si Curry na may siyam na 3-pointers at game-high 46 points.
Nag-ambag si D’Angelo Russell, na ang ikalawang 3-pointer sa ikalawang overtime ay nagbigay sa Lakers ng 142-141 kalamangan, may 53.1 segundo sa orasan, ng 28 points, habang nagposte si Austin Reaves ng 17, tumipa si Jarred Vanderbilt ng 14 points, 9 rebounds at 4 steals, at nagdagdag si Rui Hachimura ng 11.
Bucks 141, Pelicans 117
Nagbuhos si Giannis Antetokounmpo ng 30 points at 12 rebounds at sumakay ang host Milwaukee Bucks sa offensive turnaround upang pataubin ang New Orleans Pelicans.
Si Antetokounmpo ay sinamahan ng tatlong teammates na may hindi bababa sa 20 points kung saan nagdagdag sina Damian Lillard ng 26, Brook Lopez ng 24 at Bobby Portis ng 20 mula sa bench. Nagtala si Cameron Payne ng 11 mula sa bench at umiskor ang Bucks ng mas mataas ng 41 points sa 12-point loss sa Cleveland noong Biyernes.
Umangat ang Bucks sa 2-1 sa ilalim ni interim head coach Joe Prunty habang naghahanda si Doc Rivers na maupo bilang head coach.
Umiskor si Brandon Ingram ng 26, kumabig si Zion Williamson ng 23, nagposte si Jonas Valanciunas ng 13 points at 10 rebounds at nag-ambag si Larry Nance Jr. ng 10 para sa Pelicans, na natalo sa home sa Oklahoma City, 107-83, noong Biyernes.
Umiskor si Antetokounmpo ng 12 points at sinimulan ng Bucks ang third quarter sa 17-4 run na nagpalobo sa kanilang kalamangan sa 92-67.
Nuggets 111, 76ers 105
Humataw si Nikola Jokic ng 26 points at 16 rebounds, tumabo si Jamal Murray ng 23 points, at ginapi ng host Denver Nuggets ang short-handed Philadelphia 76ers.
Si reigning league MVP Joel Embiid ay late scratch para sa 76ers dahil sa knee soreness. Dumalo siya sa kanyang pregame warmup ngunit iniulat ng ESPN na hindi siya pinayagang maglaro ng training staff.
Ito ang ika-4 na sunod na pagkakataon na hindi naglaro si Embiid sa aDenver.
Ang Sixers ay sumalang na wala sina Tobias Harris (illness), Tyrese Maxey (ankle sprain), De’Anthony Melton (back) at Robert Covington (knee).
Nahirapan ang Nuggets na talunin ang depleted Philadelphia subalit umalagwa sa huli. Kumana si Michael Porter Jr. ng 20 points at umiskor si Aaron Gordon ng 18 para sa Denver.