NAITALA ni LeBron James ang ika-98 triple-double ng kanyang career, at naiposte ni Montrezl Harrell ang 15 sa kanyang team-high 27 points sa second quarter kung kailan lumayo ang bisitang Los Angeles Lakers sa Golden State Warriors tungo sa 128-97 panalo sa San Francisco.
Sa panalo ay naitarak ng Lakers ang 2-1 sa season series mula sa kanilang Pacific Division rival.
Tabla ang laro sa 29-all sa unang minuto ng second period bago tinulungan ni Harrell ang Lakers na makontrol ang laro.
Una ay nag-ambag siya ng dalawang hoops at tatlong free throws sa 13-3 burst na nagbigay-daan para iposte ng Lakers ang kanilang unang double-digit lead sa 42-32.
Pagkatapos ay ibinigay niya ang unang apat na puntos sa 17-8 finish sa quarter na naging six-point game papasok sa 65-50 halftime advantage.
Walang nagawa ang Warriors, na galing sa impresibong home win kontra Utah, kundi ang makalapit sa 12 sa second half.
Ang triple-double ni James, ang kanyang ika-4 sa season, ay kinabibilangan ng 22 points at game highs na 10 rebounds at 11 assists. Panlima siya sa NBA’s all-time list para sa triple-doubles, kailangan na lamang ng siyam para abutan si Jason Kidd (107).
Naipasok ni Harrell ang 11 sa kanyang 14 tira mula sa bench sa gabing bumuslo ang Lakers ng 62.8 percent.
Kumamada rin sina Talen Horton-Tucker (18), Kyle Kuzma (17) at Kentavious Caldwell-Pope (14) ng double figures para sa Lakers, na babalik sa home para sagupain ang Minnesota sa ikalawang gabi ng back-to-back sa Martes.
Napantayan ni Stephen Curry ang 27 points ni Harrell upang sumalo sa game-high honors para sa Warriors, na natalo sa ika-5 pagkakataon sa kanilang huling anim na laro.
SUNS 122,
GRIZZLIES 99
Nakakolekta si Devin Booker ng 27 points at 5 assists upang tulungan ang Phoenix Suns sa 122-99 panalo kontra bisitang Memphis Grizzlies.
Umiskor si Chris Paul ng 18 points sa 9-of-11 shooting at nagdagdag ng 7 assists at 4 steals para sa Suns na nagwagi sa ika-18 pagkakataon sa nakalipas na 22 games.
Kumamada si Deandre Ayton ng 15 points, 9 rebounds at 3 blocked shots para sa Phoenix. Nagdagdag sina Jae Crowder ng 14 points at Cameron Payne ng 13.
Sa iba pang laro, nagsalansan si Kawhi Leonard ng 22 points, 8 rebounds at 7 assists nang gapiin ng Los Angeles Clippers ang host Dallas Mavericks, 109-99; gumawa si Kyrie Irving ng 34 points, at nagposte si James Harden ng isa pang triple-double na may 21 points, 15 rebounds at 15 assists nang lambatin ng host Brooklyn Nets ang 117-112 win kontra New York Knicks; naka-likom si
Dejounte Murray ng 19 points, 10 rebounds at 6 assists upang pangunahan ang San Antonio Spurs sa 109-99 panalo laban sa host Detroit Pistons; tumapos si Terry Rozier na may 26 points nang payukuin ng Charlotte Hornets ang Sacramento Kings, 122-116; at naitala ni Giannis Antetokounmpo ang kanyang ikatlong triple-double upang tulungan ang Milwaukee Bucks na maitakas ang 133-122 panalo kontra Washington Wizards.
Comments are closed.