’TROPA’, BEERMEN DIDIKIT SA FINALS

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – San Miguel
vs Meralco
6 p.m. – TNT vs Magnolia

AASINTAHIN ng defending champion Talk ‘N Text at San Miguel Beer ang ikatlong panalo sa magkahiwalay na laro sa Game 4 ng PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series ngayon sa Araneta Coliseum.

Haharapin ng Tropang Giga ang Magnolia Chicken Timplados Hotshots sa alas-6 ng gabi matapos ang salpukan ng Beermen at Meralco Bolts sa alas-3 ng hapon.

Hawak ng TNT at SMB ang 2-1 lead. Tinalo ng Tropang Giga ang Hotshots sa mahigpitang laro sa Game 3, 93-92, at pinayuko ng Beermen ang Bolts, 96-91.

Pipilitin ng dalawang most dominant teams ng liga na samantalahin ang momentum at lumapit ng isang laro para maisaayos ang best-of-seven finals.

Tiyak namang hindi papayag ang Magnolia at Meralco na matalo dahil sa sandaling mabigo ay malalagay sa panganib ang kanilang title campaign at ang ambisyon nina coach Chito Victolero at Norman Black na makabalik sa elite circle ng “champion coach” na matagal nilang hindi na-enjoy.

Nag-champion si Victolero sa Governors‘ Cup noong 2018 habang huling nag-champion si Black noong 2013 sa Philippine Cup bilang coach ng TNT.

Hanggang ngayon ay bigo pa rin ang veteran American coach na bigyan ang Meralco ng unang PBA title.

Muling pamumunuan ni Mikey Williams ang opensiba ng TNT katuwang sina Roger Pogoy, Jayson Castro, John Paul Erram at Keb Montalbo.

Si Williams ang susi sa karamihan ng mga panalo ng TNT. Inaasahang nasa frontline ng opensiba ng defending champion ang 6’2, 30-year-old Filipino-American na ipinanganak sa Los Angeles.

Target ng 59-anyos na veteran mentor ang ika-9 na PBA title.

Si Williams ang sakit sa ulo ni coach Victolero. Kailangang ma-neutralize ng Magnolia ang TNT main man para maitabla ang serye.

Ganoon din ang suliranin ni coach Norman Black kay high scoring at six- time MVP June Mar Fajardo. Kailangang makontrol ni Black ang 6’10 Cebuano na uma-average ng double-double kada laro.

CLYDE MARIANO