’TROPA’ TUMABLA

Mga laro bukas:
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. – Ginebra vs TNT

PINATAHIMIK ng TNT si Justin Brownlee at dinomina ang Barangay Ginebra tungo sa 95-82 panalo sa Game 2 ng PBA Governors’ Cup finals kagabi sa Araneta Coliseum.

Nalimitahan ng Tropang Giga si Brownlee sa conference-low 12 points at naibalik ang kanilang offensive groove sa pagkamada ng 15 three-pointers upang itabla ang best-of-seven series sa 1-1.

Pinangunahan ni Brownlee ang 102-90 panalo ng Gin Kings noong nakaraang Linggo sa pagtala ng 17 sa kanyang 31 points sa first quarter pa lamang.

Subalit kagabi ay bumuslo lamang ang three-time Best Import ng 3-of-16 mula sa field makaraang maging pangunahing pokus ng depensa ng TNT, habang impresibo si Rondae Hollis-Jefferson kapwa sa opensa at depensa para sa Tropang Giga.

Kumana ng near triple-double na 23 points, 19 rebounds, 9 assists, at 2 steals, naipuwersa rin ni Hollis-Jefferson si Brownlee sa kanyang worst shooting performance sa conference.

“They refused to lose,” wika ni TNT head coach Jojo Lastimosa. “They know that this is a must-win for us. Guys just decided that we’re not going to take this lightly.”

Hataw rin si Mikey Williams para sa Tropang Giga na may 21 points kung saan nakipagtuwang siya kina Hollis-Jefferson at Roger Pogoy sa krusyal na 13-2 blast sa huling bahagi ng fourth quarter na nagselyo sa panalo.

Nanguna si Christian Standhardinger para sa Kings na may 29 points at 11 rebounds.

CLYDE MARIANO

Iskor:
TNT (95) – Hollis-Jefferson 23, M.Williams 21, Pogoy 17, Oftana 14, Khobuntin 8, Castro 8, Erram 4, Montalbo 0, Marcelo 0, Ganuelas-Rosser 0
Barangay Ginebra (82) – Standhardinger 29, Malonzo 17, Thompson 16, Brownlee 12, Pringle 5, Gray 3, Pinto 0, David 0, Mariano 0.
QS: 27-16, 51-39, 67-64, 95-82.