TROPANG GIGA AYAW PAAWAT

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
5:15 p.m. – Meralco vs Blackwater
7:15 p.m. – Phoenix vs NLEX

HINILA ng TNT Tropang Giga ang kanilang winning streak sa apat na laro makaraang maitakas ang 117-112 panalo kontra NorthPort Batang Pier sa PBA Philippine Cup kahapon sa Araneta Coliseum.

Isang mainit na15-2 run sa pagitan ng third at fourth quarters ang nagbigay sa TNT ng double-digit lead, ngunit kinailangang malusutan ang matikas na pakikihamok ng NorthPort sa pangunguna ni Roi Sumang.

Ang panalo ay nagbigay sa TNT ng 6-2 record at halos nakasisiguro na ng isang puwesto sa quarterfinals. Nalasap naman ng NorthPort ang ika-4 na sunod na kabiguan sa 2-4, at nasa eight spot sa standings.

Nanguna para sa Tropang Giga si Mikey Williams na may game-high 27 points, ngunit gumanap ng krusyal na papel sina Roger Pogoy at Jayson Castro para maitakas ng TNT ang panalo.

Nag-init si Pogoy sa second quarter habang naging bayani si Castro sa fourth quarter sa pagkamada ng clutch triple.

Kumana si Pogoy ng 22 points at naitala ni Castro ang walo sa kanyang 17 sa fourth period.

Nag-ambag si Poy Erram ng 17 points bukod sa 14 rebounds at 2 blocked shots, ngunit binigyang kredito ni TNT coach Chot Reyes ang iba pa niyang players na patuloy na pinupunan ang pagkawala nina Troy Rosario, Ryan Reyes, JD Tungcab at Kib Montalbo.

“The way this team was constructed was precisely for situations like this,” sabi ni Reyes kasunod ng panalo na naiposte makaraang tumulong sina Jayjay Alejandro at Glenn Khobuntin na makabalik ang koponan mula sa 34-44 second quarter deficit at maitarak ang 97-84 kalamangan.

“We knew we’d be dealing with injuries and then looking at the schedule we have to finish our elimination round by July 10,” dagdag ni Reyes. “We knew we’d have a lot of aches and pains and from the start our Currimao boys come in earlier talaga while having our veterans, our mainstays are getting extended rest.”

– CLYDE MARIANO

Iskor:
TNT (117) – M.Williams 27, Pogoy 22, Castro 17, Erram 17, Alejandro 12, Khobuntin 9, Heruela 7, K.Williams 2, Marcelo 2, Ganuelas-Rosser 2, Banal 0, Cruz 0.
NorthPort (112) – Malonzo 27, Sumang 24, Calma 16, Ferrer 14, Balanza 10, Ayaay 7, Santos 6, Bolick 5, Dela Cruz 1, Taha 0.
QS: 26-30, 55-55, 85-78, 117-112