TROPANG GIGA NAKAUNA

Tropang Giga vs phoenix

Mga laro bukas:

AUF Gym

3:45 p.m. – Ginebra

vs Meralco

6:30 p.m. – TNT

vs Phoenix

SUMANDAL ang TNT Tropang Giga kay Jayson Castro sa crunch time upang maitakas ang 95-92 panalo laban sa Phoenix Super LPG Fuel Masters sa Game 1 ng PBA Philippine Cup semifinals kahapon sa Angeles University Gym sa Angeles City, Pampanga.

Naitala ni Castro ang 12 sa kanyang 20 points sa fourth quarter at kumalawit din ng 6 rebounds, nagbigay ng 6 assists, at 2 steals.

Nagdagdag si Ray Parks Jr. ng 17 points at 7 boards, habang tumapos si Roger Pogoy na may 16 points at 9 rebounds upang tulungan ang TNT na kunin ang

1-0 kalamangan sa best-of-five series.

Pinasan ni Castro ang TNT sa huling 74 segundo sa pagkamada ng pito sa huling walong puntos ng koponan.

Walang nagawa ang iniindang calf injury na hindi pa lubusang gumagaling para pabagalin si Castro, na ang endgame points ay sumiguro sa panalo ng Tropang Giga.

Sinelyuhan ni Castro ang kanyang kabayanihan sa pares ng charities, na naglagay sa talaan sa 95-92, na hindi na nagbago nang sumablay si Alex Mallari sa kanyang desperate three-point try sa final buzzer.

“Siguro, sa team namin,” ang sagot ni Castro sa tanong kung saan siya kumukuha ng lakas.

“Kasi we play as a team talaga and ine-encourage nila ako talaga na kung ano kaya kong gawin, gawin ko lang kasi nag-start ang bubble hindi (ako) masyadong healthy,” ani Castro.

“Malaking bagay sa akin ‘yung support nila talaga.”

Nagpapasalamat si TNT coach Bong Ravena na nakalusot ang kanyang koponan sa kabila na nasayang ang kanilang 12-point lead laban sa koponan na matikas na nakihamok bagama’t naglaro na wala si main man Matthew Wright magmula pa sa kalagitnaan ng opening quarter at nalagay sa foul trouble si Calvin Abueva.

“Phoenix has a lot of energy. We know they’re gonna come out really strong, so we decided to match their energy with our guards,” sabi ni Ravena, patungkol sa ilang pagkakataon sa laro na gumamit siya ng apat na guards.

“We know they’re not going to give up, they’re going to stay in the game. We just stuck to our game, especially on defense,” dagdag ni Ravena.

Sinikap ni RJ Jazul na punan ang pagkawala ni Wright sa pagkamada ng game-high 21 points habang nagdagdag si Jason Perkins ng15 points at 10 rebounds. Nag-ambag si RR Garcia ng 12 points para sa Phoenix.

Tumapos si Poy Erram na may 15 points at 14 rebounds at umiskor si Ryan Reyes ng 11 points.

Nakatakda ang Game 2 sa Biyernes. CLYDE MARIANO

Iskor:

TNT (95) – Castro 20, Parks 17, Pogoy 16, Erram 15, Reyes 11, Montalbo 6, Rosario 5, Enciso 4, Carey 1, Washington 0.

Phienix (92) – Jazul 21, Perkins 15, Abueva 13, Mallari 13, Garcia 12, Heruela 6, Chua 3, Intal 3, Rios 2, Wright 2, Marcelo 2, Reyes 0, Napoles 0.

QS: 16-24; 36-37; 67-61; 95-92.

Comments are closed.