Laro bukas:
(AUF Gym)
6 p.m. – Ginebra vs TnT
PINALASAP ng Talk ‘N Text ang lupit ng kanilang paghihiganti sa Barangay Ginebra nang iposte ang 88-67 panalo sa Game 3 ng best-of-seven PBA Philippine Cup finals kagabi sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.
Nagbuhos si Roger Pogoy ng 18 points at nagdagdag si JP Erram ng double-double upang pigilan ang Gin Kings na lumapit sa korona.
Tumapos si Erram na may 12 points at 14 rebounds para sa Tropang Giga na naglaro na wala si Ray Parks Jr. sa ikalawang sunod na game.
Sa panalo ay tinapyas ng Tropang Giga ang best-of-7 series deficit sa 2-1
Naitarak ng TNT ang 80-61 kalamangan sa fourth period sa tres ni Simon Enciso.
“Hindi kami na-sweep. Nagtulong-tulong sila para manalo at nalimitahan namin si Pringle,” sabi ni coach Bong Ravena.
Dumikit ang Barangay Ginebra, 54-56, sa pinagsanib na puwersa nina Japeth Aguilar, Scottie Thompson at LA Tenorio. Hindi nasiraan ng loob ang TNT at na-outshoot ang Kings sa krusyal na fourth quarter upang pigilan ito sa pagkubra ng ikatlong sunod na panalo.
Walang sigla at ‘badly disorganized’ ang laro ng Barangay Ginebra kung saan marami itong sablay at turnovers, at pinabayaan ang TNT na umiskor nang walang kahirap-hirap.
Determinadong makaganti matapos na matalo sa unang dalawang laro, nadominahan ng Tropang Giga ang Kings sa shooting upang buhayin ang kanilang title bid sa Philippine Cup na huli nilang hinawakan noong 2013 sa ilalim ni coach Norman Black.
“They played hard and utilized all available resources to win. It’s good, they succeeded,” sabi ni Ravena.
Nagtulong-tulong sina Pogoy, Enciso at Ryan Reyes sa pagbabantay kay Stanley Pringle at nalimitahan ang balbasing ace gunner na Filipino-American.
Maagang umarangkada ang TNT sa 36-28 lead at tinapos ang first half na abante sa 44-34 sa tres ni Enciso. Umiskor si Pogoy, kasama ang back-to-back baskets sa 11-0 run at inagaw ang lamang sa 32-26 mula sa 21-26 deficit. CLYDE MARIANO
Comments are closed.