CENTRAL LUZON – PITO katao kabilang ang barangay chairman at brgy. kagawad na sinasabing sangkot sa illegal quarry operation ang nasakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation -Environmental Crime Division ( NBI-EnCD) sa Barangay Sta. Maria, Tarlac City, Tarlac kamakailan.
Base sa ulat, bineripika sa Local Government Unit at DENR-MGB Region III na walang permit na inisyu sa nasabing operasyon kaya isinailalim sa surveillance operations ng NBI-EnCD para kumpirmahin ang illegal quarry operation sa nasabing lugar.
Dito na isinagawa ng environmental law enforcement katuwang ang DENR-MGB Region III ang operasyon kung saan nasakote ang mga pangunahing suspek na sina Brgy. Chairman Albert Mercado na in-charge sa illegal quarry operation; at Brgy. Councilor Arturo Dela Cruz na nagsisilbing checker/ collector.
Arestado rin ang iba pang suspek na sina Joel Santos, Jesus Santos, Jessie Santos, Jonathan Santos at Jerry Espinosa na pawang pina- inquest sa Tarlac City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Section 103 ( Theft of Minerals) of RA 7942 (Philippine Mining Act of 1995).
Napag-alamang naaktuhan ang mga suspek na nagsasagawa ng illegal quarry operation na walang permits kung saan kinumpiska ng NBI-EnCD at DENR-MGB Region III ang isang payloader at 4 trak na may total value na P1.8 milyon.
Kinumpiska rin ang mga delivery receipt na hawak ng mga suspek kung saan dinadala ang quarry materials sa mga lalawigan ng Cavite, Batangas, Gapan, Pampanga at iba pang lugar.
Nabatid din na ang koleksyon ng kita ng illegal quarry operation ay pinaghahatian ng suspek na si Chairman Mercado at ng Provincial Government ng Tarlac at 60: 40 ratio kung saan nadiskubre rin ng NBI-EnCD na ginagamit ang Royal Crown Monarch Inc. bilang sourcing ng earth materials na entity contracted ng DPWH para sa contruction ng government projects sa Tarlac City mula sa illegal quarry operation. MHAR BASCO