TSERMAN PATAY, KAGAWAD SUGATAN SA PAMAMARIL

AGAD na binawian ng buhay ang isang Barangay Chairman habang nagtamo naman ng sugat ang Kagawad nito kamakalawa ng gabi matapos barilin ng nag-iisang gunman sa Ormoc City, Leyte.

Ayon sa report ng pulisya, kinilala ang biktima na agad na binawian ng buhay na si Patricio Laude, 60-anyos, chairman ng Barangay Catmon, Ormoc, habang nasugatan ang biktimang si Christopher Casimong, 45-anyos, Kagawad ng Barangay Catmon.

Sa inisyal na imbestigasyon, nag-uusap ang dalawang biktima sa harap ng bahay ni Casimong kaugnay sa meeting ng barangay sa cleanliness campaign at segregation ng waste materials nang bigla na lamang dumating ang isang armadong lalaki at pinaputukan ang mga biktima.

Dead on the spot si Laude habang sugatan naman si Casimong na agad isinugod sa ospital.

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa mabatid na direksyon.

Patuloy naman ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad kasabay isinasagawang follow-up pursuit operations para sa agarang ikadarakip sa naturang gun man. EVELYN GARCIA