TSUKII BINIGYAN NG P.5-M BONUS NG POC, DE VEGA INAYUDAHAN

INANUNSIYO kahapon ng Philippine Olympic Committee (POC) ang pagkakaloob ng P.5 million cash bonus kay World Games karate gold medalist Junna Tsukii.

Kasabay nito ay nagpahayag ng pagkagulat at kalungkutan ang POC sa pakikipaglaban ni dating Asian Sprint Queen Lydia de Vega sa Big C.

Si De Vega ay kasalukuyang naka-confine sa Makati Medical Center dahil sa Stage 4 breast cancer, isang sakit na na-diagnose noong 2018 subalit hindi niya ipinaalam at hindi siya kinakitaan ng anumang senyales ng nakamamatay na sakit nang samahan niya ang kanyang fellow former Filipino sports greats na nagbitbit ng bandila ng bansa sa opening ceremony ng 30th Southeast Asian Games noong 2019.

“The news saddens me and the POC, our very own Lydia de Vega, our sports great, a Philippine treasure,” sabi ni Tolentino. “We in the POC family, my family, are hoping and praying that she wins this fight in the same manner as she won those great races in her prime.”

Inaprubahan ng POC Board ang 100,000 medical assistance kay De Vega at nagdagdag si Tolentino ng personal contribution na P100,000 para sa hospital needs ng sports heroine.

Ang gold ni Tsukii, ang tanging medalya na napanalunan ng 10-athlete Team Philippines sa World Games na nagtapos noong weekend sa Birmingham, Alabama, ay nagkakahalaga ng P.5 million sa ilalim ng polisiya ng POC sa cash bonuses para sa mga atleta na magwawagi ng medalya sa ibang bansa.

“The POC recognizes Junna’s feast with honor, it wasn’t the Olympics but the World Games are that tough a competition,” ani Tolentino.

Ang Pilipinas ay mayroon na ngayong dalawang gold medals sa World Games — ang una ay mula kay Carlo Biado sa men’s 9-ball ng billiards sa 2017 Wroclaw, Poland, edition.