EXCITED na si Ronald Tubid sa pagbabalik niya sa San Miguel Beer. Isang taon din siyang nawala sa team kung saan napunta siya sa Columbian Dyip.
Makakasama ni Tubid ang bagong saltang si Terrence Romeo. Hindi lamang si Ronald ang excited sa pagbabalik niya sa kanyang mother team kundi pati ang mga dating kasamahan niya na sina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter at higit sa lahat ang kaibigan niyang si June Mar Fajardo. Welcome back to SMB, Ronald.
oOo
Pinapirma ng tig-dalawang taong kontrata sina Louie Vigil at Von Pessumal ng SMB management bagama’t bench warmer ang dalawa, ibig sabihin nito ay posibleng gagamitin na sila ni coach Leo Austria sa 44th season ng PBA. Happy naman sina Vigil at Pessumal sa bagong kontrata na ibinigay sa kanila ng SMB management. Bukod sa mga dating player ng UST Growling Tigers at Ateneo Blue Eagles, sina Yancy de Ocampo, Billy Mamaril at Chico Lanete ay mabibigyan din ng bagong kontrata sa team. Naghahanda na rin ang Beermen sa pagbubukas ng 44th season ng PBA na gagawin sa Philippine Arena.
oOo
Nais pa rin naming humabol para batiin si coach Chito Victolero sa pagkakasungkit ng kampeonato sa katatapos ng PBA Governors’ Cup kung saan nag-champion ang Magnolia Hotshots. Nagkaroon na rin ng katuparan ang pangarap ni coach Victolero na maging champion din. Sa pagkakasungkit ng kampeonato sa Magnolia, nakahanay na ngayon ang pangalan ni Victolero sa pagiging champion coach. More power, coach Chito.
oOo
Naging matagumpay ang MAGIC ON ICE 2018 na isinasagawa sa Araneta Coliseum mula pa noong December 25. Dapat sana ay hangang January 1, 2019 lang ito pero dahil maraming nagkagusto sa palabas ng mga-taga Las Vegas ay na-extend ito. Muling makapanonood ang mga tsikiting sa January 1, 2 p.m.at 6 p.m.; Jan. 2, 7 p.m.; Jan. 4, 7 p.m.; Jan. 5, 2 p.m.; at January 6, 2 p.m. at 6 p.m. BIGDOME. Buy your ticket now.