MABABA na sa minimum operating level ang nakaimbak na tubig sa Angat Dam hanggang Mayo 23, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Hanggang alas- 6 ng umaga ng Huwebes nasa 179.68 m ang antas ng tubig sa Angat Dam at ang minimum operating level ay 180.07 m.
Ang mahinang pag-ulan sa lugar ang sinasabing dahilan ng patuloy na pagbaba ng antas sa dam.
Una nang inanunsiyo ng Pagasa na anumang araw ngayong linggo ay babagsak sa minimum operating level ang dam, na pangunahing pinagkukuhanan ng tubig para ng Metro Manila.
Dito rin nagmumula ang tubig na pang-irigasyon sa mga taniman sa Bulacan at Pampanga.
Ayon sa Pagasa, hanggang sa katapusan ng buwan ay maaring bumaba pa ang water level sa 171.38 m.
Sa kalagitnaan ng Hunyo ay inaasahan na tataas na muli ito dahil sa pag-ulan dulot ng habagat.