TUBIG SA ANGAT DAM TULOY SA PAGBABA

ANGAT DAM

NABAHALA na ang National Water Resources Board (NWRB) sa patuloy na pagbaba ng lebel ng Angat Dam bunsod pa rin ng kakapusan ng tubig ulan dagdag pa ang epekto ng El Niño.

Sa isang press conference, sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David, Jr. na bumaba na sa 162.39 meter ang lebel ng Angat dam kung kaya’t nakatakdang magpulong ang NWRB ngayong araw ng Martes sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kung paano matutugunan at i-manage ang natitira pang tubig sa naturang dam.

Layon ng gaganaping pulong na i-evaluate ang sitwasyon ng kritikal na lebel ng dam at malaman kung ano ang magiging lagay ng panahon sa mga susunod na mga linggo upang makagawa ng karampatang aksiyon ang ahensiya kung ipagpapatuloy ang mahinang pressure ng tubig sa Metro Manila o magsasagawa ng water interruptions.

Napag-alamang idaraos ang pagpupulong kasama ang NWRB gayundin ang pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA); National Power Corporation (Napocor); mga concessionaires gaya ng Maynilad at Manila Water partikular ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pag­asa) na ayon kay David ay napakahalaga ng papel bun-sod ng nakadepende ang mga ahensiya sa magiging pagtaya sa panahon.

Kasunod nito, umapela naman si Sevillo sa  local government units (LGUs) na makipagtulungan sa pamamagitan ng paghikayat sa kanilang nasasakupan na gumamit ng recycled water at mag-ipon ng tubig-ulan.

Pinansin din ng opisyal ang mga car wash na dapat limitahan ang paggamit ng treated water at sa halip ay gumamit ng recycled water bilang tulong sa water conservation efforts ng ahensiya dulot ng lumulubhang problema sa kakapusan ng supply ng tubig sa Metro Manila.

Nabatid na 96 porsiyento sa Metro Manila ay umaasa sa Angat dam  kaya masusing mino-monitor ng mga ahensiya ang pag-discharge ng tubig sa lugar.

Sinabi pa ng NWRB chief na ang nagdaang mga pag-ulan na naranasan sa Kalakhang Maynila ay balewala lamang bunsod ng hindi ito napunan ang kakapusan o bumababang lebel ng tubig sa Angat dam dahilan sa hindi ito direktang tumatama rito.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.