HUWATT?!! Meron bang ganun, Mars?
Ang mga maliliit na mangangalakal ang laging biktima ng tumataas na utang dahil sa tubo o interest.
Karaniwan kasi sa ating mga kababayan na wala namang malaking pangkapital ay kay Mang Bambi o sa negosyanteng Bumbay kumakapit.
Pikit matang pinapatulan ang malaking interes at ang iba naman ay nagiging matagumpay dahil maayos na nakaka-pagbayad.
May maganda ring naituturo ang mga Bumbay sa mga Pinoy small trader o small, micro entrepreneur, dahil napipilitan silang magbayad nang on time para makaiwas sa dagdag interes o kaya naman ay ang birong tawag (mockery) na “tubo na tumubo” pa.
Sa mga lugar na matao at kabi-kabila ang tindahan, senaryo na bago magtanghali ang pagbisita ng nakamotorsiklo na Bumbay at wala nang usap-usap pa, basta abutan ng listahan at pera.
Ang masaklap naman kapag kababayang Five- Six ang nagpautang ay maligalig (hindi naman lahat).
Masalimuot Mars dahil kaakibat ng pagpapautang ang tsismisan na ginawa nang entertainment ng magkakapitbahay.
Ang pinakamasaklap kapag delay ka sa bayad, tiyak talk of the town ka.
Isa pang stressful sa pag-utang, kapag ang tubo o interest ay tumubo pa.
Paano bang manganak ang tubo sa utang?
Ang pag-utang kasi ng may interest ay may timetable at iba ito sa utang na payable when able.
Depende sa haba ng panahon at kung magkano ang uutangin ang tubo.
Kapag hindi natapos sa napagkasunduang panahon ang pagbabayad, kahit bayad mo na ang halaga, tutubo muli ang iyong balanse o hindi nakompletong bayad.
Iyon ang tinatawag na tubo na lang, tumubo pa, Mars.
Upang maiwasan ang “tubo sa utang na tumubo pa” o mabaon sa utang narito ang aming simpleng tips.
- Magbayad nang tama sa panahon.
- Kung gagamitin sa negosyo, mag-compute kung may kikitain ka, kung wala, huwag na lang.
- Huwag mangutang kung wala ka namang inaasahang pambayad.
Halimbawa, wala namang nagbibigay sa iyo o wala ka namang trabaho, manghingi ka na lang kaysa mabaon ka sa utang at sirain mo pa ang negosyo ng iba.
Ang konsepto kasi ng pag-utang ng may interest ay disenyo para sa pag-ikot ng pera o pagnenegosyo.
Dahil kung uutang ka at wala kang inaasahang pambayad, malamang mabaon ka sa tubo na tumubo pa at mapeperhuwisyo mo pa ang iyong inutangan.
Iyan Mars at Pars, sana makatulong sa inyo ang Quaran-Tips ng PILIPINO Mirror.
Comments are closed.