TUGADE NAG-SORRY

Secretary Arthur Tugade

HUMINGI ng paumanhin kanina sa pagdinig ng Senado si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade kaugnay sa pagsadsad ng Xiamen Air sa Ninoy Aquino International Airport na naging sanhi ng delayed flights ng libo-libong pasahero.

Sa pagdinig ng Senate committee on Public Service na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe, dahil sa mabagal na pagtugon sa problema, marami ang naging tanong sa nasabing kalihim.

Sa kabila ng pag­hingi ng paumanhin ni Tugade, iginiit nito na wala umanong pagkukulang ang DOTr, gayundin ang Civil Aviation Authority of the Philippines, at ang Manila International Airport Authority sa mandato para matiyak ang seguridad ng mga pasahero.

Ayon sa kalihim, kargado ang eroplano ng gasolina na maaaring sumabog kapag nagkamali sila, bukod pa sa hindi magandang panahon kaya umabot ng 36 hours bago naitabi ang eroplano.

Naglabas din ng sama ng loob si Tugade sa mga bumabatikos sa kanila na nagmamarunong na wala naman umanong alam sa tunay na sitwasyon lalo na ang mga nanawagan na magbitiw sila sa puwesto.

Ikinompara pa ni Tugade ang insidente sa i­lang naganap na insidente sa Thailand na tumagal ng apat na araw, sa Nepal na umabot sa dalawang araw bago naitabi ang eroplano, samantalang sa Xiamen air incident ay umabot lamang ng 36 hours ay inulan na sila ng batikos. VICKY CERVALES

Comments are closed.