TUGADE NAG-SORRY SA ABERYA SA NAIA

Secretary Arthur Tugade

HUMINGI ng paumanhin si Transportation Secretary Arthur Tugade  dahil sa naganap na flight delays at pagkaka-stranded ng libo-libong pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunsod ng nangyaring pag-overshoot sa main runway ng isang Chinese plane nitong Huwebes ng gabi.

“Again, on behalf of the entire Department of Transportation Family, I am deeply sorry,” ani Tugade.

Ito ay makaraang umabot sa 36 oras bago tuluyang naalis sa pagkakabalahaw ang Xiamen Air jet sa  NAIA’s runway 06/24 bandang hatinggabi ng Huwebes.

“I am saddened by the inconveniences and consequences brought about by the incident involving Xiamen Air,” ayon pa kay Tugade.

“It is a regrettable experience, which is not of our own liking, nor of our own making. I am sorry. We did our very best to address the situation,” dagdag pa nito.

Dahil dito, sinabi ni Tugade na nagsilbing  “eye-opener and a reminder” para sa gobyerno at lahat ng airlines ang pangyayari para rebisahin at ayusin ang aviation protocols sa Pilipinas.

Paliwanag  naman ng  Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na naantala ang clearing operations dahil sa masamang panahon.

Kaugnay pa nito, pansamantalang pinigil muna na makalabas ng bansa ang piloto ng Chinese plane para sagutin ang ilang katanungan hinggil sa insidente.

Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, kanilang inimbitahang  dumalo sa gagawing pagsisiyasat ang piloto ng  Xiamen Air flight MF 8667 bukas, araw ng Lunes.

Ani Apolonio, layunin ng aviation authorities na matukoy kung ang pangyayari ay force majeure o dahil sa  pilot error.

Nabatid na nagawa lamang makalapag ng  nasabing eroplano na may lulan na 157 passengers at  8 crew matapos ang ikalawang pagtatangkang mag-landing.

“Definitely there will be sanctions for airline and pilots kung sakaling they committed any violations ng safety procedures,” dagdag ni Apolonio.

Nakuha na rin ng awtoridad data recorders at kasalukuyang naka-secure ang cockpit ng eroplano para sa gagawing imbestigasyon.

“Maririnig doon [ang nangyari] kasi ‘yun ‘yung recorded conversation between the pilot and the tower during the time na mag-approach sila or while in Philippine skies,” dagdag pa nito.      VERLIN RUIZ

Comments are closed.