TUITION HIKE SA 600 SCHOOLS

Nepomuceno Malaluan

KINUMPIRMA ng Department of Education (DepEd) na mahigit sa 600 private schools ang nabigyan nila ng pahintulot na magtaas ng tuition ngayong pasukan.

Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, nagmula ito sa mahigit 400,000 pribadong paaralan sa buong bansa na naaprubahan ang increase bago pa man nagkaroon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Gayunman, sinabi  ni Malaluan na kumbinsido sila na pakikinggan ng private schools ang apela na huwag na munang ipatupad ang umento sa matrikula dahil sa pagliit ng bilang ng mga nag-e-enroll sa private schools.

Sa ngayon ay halos nasa 14% pa lamang ang nakapag-enroll na sa private schools kung ikukumpara sa bilang ng kanilang mga estudyante noong nakaraang school year.

“Hindi naman kami puwedeng ring maggawa ng any arbitrary regulation and then make them accountable for such a regulation that maybe arbitrary. Medyo masalimuot itong hinaharap natin dahil; una, gusto rin nating mabigyan ng suporta ang mga private schools sa panahong ito at the same time kailangang ibalanse ‘yan dun sa kalagayan ng ating mga magulang at saka sa mag-aaral sa kanilang mga paaralan,” ani Malaluan.

Sa susunod na linggo ay nakatakdang pulungin ni DepEd Secretary Leonor Briones ang mga organisasyon ng private schools.

Sinabi ni Malaluan na maliban sa isyu ng pagtaas ng tuition fees ay pag-uusapan din ang iba pang mga problema na kinakaharap ng sektor ng edukasyon sa ipatutupad na distance learning.

“Sila mismo ay may mga isyu or concerns na hinaharap sa DepEd kagaya du’n sa aming checklist for readiness ng mga school dito sa blended learning meron (sic) yata silang gustong i-raise sa amin so, ‘yung  various issues ay pag-uusapan pati ‘yung mga parang misinformation na lumabas na ititigil yung voucher program,” ani Malaluan sa panayam mula sa Ratsada Balita ng DWIZ882. LEN AGUIRRE

Comments are closed.