(Tulad din ng kawani ng pamahalaan) BRGY EXECS DAPAT  MAY SUWELDO AT  BENEPISYO

TULAD ng mga regular na empleyado ng gobyerno, dapat ding tumanggap ng kaukulang suweldo, benepisyo at pagkilala ang mga opisyal ng barangay dahil sila ang mga nasa pangunahing hanay ng ating mga lingkod-bayan.

Ito ang sinabi ngayon ni Senador Sonny Angara, awtor ng Senate Bill 2097 o ang panukalang Magna Carta for Barangays.

“Panahon na para bigyan natin ng pagkilala at importansya ang serbisyong inihahatid ng ating mga opisyal sa barangay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sapat at tamang suweldo at hindi lamang basta honorarium,” ayon sa senador.

Bilang chairman ng Senate Committee on Local Government, hangarin ni Angara na maipagkaloob sa mga lokal na pamahalaan hanggang sa pinakamababang sangay ng mga ito ang suportang magpapaunlad sa kani-kanilang nasasakupan.

“Kung may mga lingkod bayan na nararapat makatanggap ng maayos na kompensasyon mula sa gobyerno, sila ay ang mga opisyal ng barangay,” pagdidiin ni Angara. “Sila ang sandigan ng bawat pamayanan na makatutulong sa kanila nang walang pinipiling oras, araw o pagkakataon.”

Sa kasalukuyan, base sa umiiral na Local Government Code, walang tinatanggap na kaukulang suweldo ang a­ting barangay officials kundi honorariums lamang. Ang isang barangay chairman ay tumatanggap ng P1,000 honorarium kada buwan, habang ang mga konsehal, treasurer at barangay secretary ay tumatanggap ng P600 buwanang honorarium.

Sa panukala ni Angara, iniaatas na kung ano ang tinatanggap na sahod ng isang Sangguniang Bayan member ng isang munisipalidad ay siya ring dapat na tatanggaping suweldo ng kanilang punong-barangay.

Ayon pa rin sa panukala ng senador, dapat sumahod ng katumbas sa 80 porsiyento ng sinusuweldo ng isang Sangguniang Bayan member ang bawat isa sa anim na barangay kagawad, habang katumbas naman ng 75 porsiyento ng kabuuang suweldo nito ang dapat sahurin ng Kabataang Barangay chairman, ng barangay secretary at ng barangay treasurer.

Liban sa sapat na suweldo, iniaatas din sa panukala ni Angara na bigyan ng regular na allowance, insurance, medical at dental coverage ang barangay officials, gayundin ng retirement benefits at iba pang benepisyong natatanggap ng mga permanenteng manggagawa sa gobyerno.

Pangunahing layunin ng panukalang Magna Carta for Barangays na tulungan ang bawat barangay sa epektibong pagpapatupad ng kani-kanilang programa at proyekto sa kanilang mga nasasakupan.

Kabilang sa layunin ni Angara na masiguro ang bawat barangay ay may sapat at malinis na suplay ng tubig-inumin, may maayos na transportasyon, paaralan, health centers, at barangay hall na siyang aagapay sa mga residente nito.

Tinitiyak ng panukala na ang bawat barangay ay makararanas ng pag-unlad, awtomatikong tatanggap ng kanilang share sa national taxes, pondo para sa imprastraktura, mandatory share sa barangay taxes, fees at magiging prayoridad din sa mga programang may kinalaman sa trabaho. VICKY CERVALES

Comments are closed.