TULAK NG SHABU TUMBA, 9 PA NADAKIP SA DRUG OPS

shabu

BULACAN – ISANG hinihinalang drug pusher ang napatay at siyam na iba pa ang naaresto sa buy bust operations na isinagawa ng pulisya kamakalawa.

Ayon kay PCol. Chito Bersaluna, hepe ng Bulacan-PNP, napatay nang manlaban sa mga pulis si Ricardo Pacheco, alyas Rigor, subalit  nakata-kas ang kasama niyang si Alexander Masagnay, alyas Butog, kapwa ng Sitio Batchingngan, Brgy. Gaya-Gaya, San Jose del Monte City.

Sa ulat ni PLt. Col. Orlando Castil, hepe ng SJDMC Police, nakatunog sina Pacheco at Masag­nay na pulis ang binentahan nila ng shabu dakong 11:15 kamakalawa kaya nakipagbarilan sila at kaagad napatay si alyas Rigor pero nakatakas si Butog lulan ng pulang motorsiklo na walang plaka.

Nakumpiska kay Pacheco ang 10 plastic sachets ng shabu, isang kalibre .38 revolver at buy-bust money.

Ang siyam na nadakip naman sa mga bayan ng Bocaue, Calumpit,Balagtas, Baliwag, Plaridel, at Hagonoy ay dinala sa Camp Alejo Santos sa Malolos City para masampahan ng kaukulang ­kaso. A. BORLONGAN

Comments are closed.