Tulog is power

ni NENET VILLAFANIA

Napakahalaga ng tulog sa buhay ng isang tao. Kailangan natin ito para mabuhay, tulad din ng pagkain, tubig at tahanan. Maraming bumabalewala rito, lalo na kung busy sa trabaho. Sa totoo lang, napakahalagang kahit paano ay maipikit natin ang ating mga mata, at maipahinga ang katawan at isip.

Ang mga nanay, laging kulang sa tulog kapag sanggol pa ang anak. Sa unang tatlong buwan kasi ng buhay ng sanggol ay nag-a-adjust pa siya kaya irregular ang oras ng kanyang pagkahimbing. In charge kasi si nanay sa breastfeeding, pagpapalit ng lampin at trabaho sa bahay, kaya nga binibigyan siya ng 90 days na maternity leave. Actually, ‘yung maternity leave na ‘yon, kaunti lang talaga ang tulog niya – about two to three hours lang araw-araw at hindi pa diretso.

Malaking problema kung kulang tayo sa tulog. Kasi naman, pag puyat, madaling mayamot kaya madalas napapaaway. Kapag kulang kasi sa tulog, nanghihina rin ang katawan kasi, kulang sa oxygen ang utak. Konektado talaga ang tulog at mood ng tao.

Ayon sa pag-aaral, mainit ang ulo ng taong kulang sa tulog. Kaya pagpasensyahan si misis kung bagong panganak. Bukod sa post partum, puyat pa kay baby kaya laging mainit ang ulo. In that case, nadadamay na rin ang iba pang mga anak, lalo na kung pasaway.

May isang advertisement noon na nagsasabing “You missed 1/3 of your life,” na ang tinutukoy ay isang klase ng kutson – pero kung pakaiisiping mabuti, good sleep ang talagang pinag-uusapan dito. Sa 24 na oras sa loob ng isang araw, dapat, may walong oras tayong tulog. One third nga. Kung ang tulog natin ay kulang sa walong oras, ano na ang mangyayari sa 16 na oras pang natitira? Malamang, lalo tayong mai- stress, madaling magalit, malungkot kahit walang dahilan, at pagod kahit wala namang mabigat na ginagawa. Kung kumpleto ang tulog, walang ganyang problema.

Ang quality of sleep natin ay nakakaapekto rin sa ating sensitivity bilang tao. Nakakapag-isip kasi tayo ng mabuti. Kaya hindi inererekomenda sa mga estudyente ang magpuyat lalo na kung panahon ng exam.

Kahit kasi nag-aral ka, kung pagod naman ang utak mo, mame-mental block ka at wala kang maisasagot.

In other words, may koneksiyon ang empathy at tulog, ganoon din sa activity performance.

Malaki rin ang naitutulong ng tulog sa ating mental health at pati na rin sa pangkalahatang kalusugan ng katawan. Naisip ba ninyo kung bakit may break na isang oras sa tanghali ang mga empleyadong nagtatrabaho sa opisina? Kasi, binibigyan sila ng pagkakataong makaidlip kahit 10 minutes lamang. Sa ganoong paraan, napapahinga hindi lamang ang katawan kundi pati ang utak, kaya makapagtatrabaho sila ng mas epektibo, at mas pabor ito sa kompanya.

I remember, noong editor pa ako sa isang newspaper noong 2005, nakakatulog ako sa harap ng computer habang nagtatrabaho, pero walang gumigising sa akin. Naniniwala kasi ang aming boss na lahat kami ay responsableng empleyado, at kung makatulog man, ibig sabihin ay kailangan ito ng aming utak para makapagtrabaho ulit ng mas maayos pa.

Higit pa sa mga impormasyong nabanggit ko na, ayon sa pag-aaral, ang tao na kulang sa tulog ay maraming stress hormones na nakakasira sa kakayahan ng taong makapag-isip ng malinaw at makapagpasiya ng maayos. Kaya kung gusto mong maging masaya at malayo sa problema, at mas magkaroon ng mas loving relationship sa mga taong nakapaligid sa’yo lalo na sa pamilya mo, sikapin mong makatulog ng maayos.

Paano makatulog ng mahimbing?
Alam nating kailangan ng lahat ang maayos na tulog. Mahirap yon. Kelan ka ba nakatulog ng diretsong walong oras na hindi ka man lamang nanaginip o nagising sa madaling araw dahil naiihi ka? Siguro, matagal na. actually, tanungin mo rin ang sarili mo kung walong oras ba ang tulog mo.
Sabi nila, to have a good day is having a good night. Pero paano ka magkakaroon ng good night kung hindi ka nakatulog ng maayos? Heto ang lang paraan:

Maging proactive
Unahin ang tulog bago ang kahit ano – kahit pa ang pagkain mo. Sa totoo lang, kung kulang ka sa tulog, mas mahalagang matulog muna bago kumain. Besides, hindi healthy na matulog nang busog dahil nahihirapan ang ating tiyan na tunawin ang pagkain. Magiging sanhi ito ng obesity o ng mas malala pang pancreatitis, or even worse, pancreatic cancer.

Mas mabuti kung mayroon kang sleep routine na tinatawag. Sa mga bukid na napuntahan ko, 8:00 pm pa lang, inaantok na sila kaya hindi na sila nakakapanood ng TV. Kasi naman, gumigising sila ng 4:00 am para magtrabaho sa bukid. Napansin ko, iyon talaga ang kanilang routine. Gigising ng maaga para magtrabaho at matutulog din ng maaga sa gabi. Kaya siguro mahahaba ang buhay ng mga tagabukid. Kumpleto kasi sa tulog.

Saktong walong oras, di po ba? 8:00 pm to 4:00 am. Hindi uso sa kanila ang natutulog sa hapon liban sa mga maliliit na bata, pero nagpapahinga sila sa pagsasaka para kumain at para pababain ang matinding sikat ng araw.

Nakakatuksong magpuyat lalo na kung maganda ang palabas sa Netflix at sa HBO, pero isipin na lamang ninyong makapaghihintay ‘yon, mas mahalaga ang kalusugan ng katawan at isipan.

Humingi ng tulong kung kinakailangan
Shocks, hindi ka makatulog! Ginawa mo na ang lahat, wala pa rin. Uminom ka na ng warm milk, nagbilang ka na ng tupa – nakakaisang libo ka na, gising na gising ka pa rin. Hayst! Mas mabuting pumunta ka na sa Regional Health Unit ng inyong munisipyo at komunsulata sa doktor. There must be something wrong at doctors know best. Kailangang makatulog ka ng maayos dahil kung hindi, paano na ang kalusugan mo.

Bumili ng komportableng higaan
Kung papag man o kutson o kahit pa banig ang gusto mong higaan, siguruhin mong komportable ka.

Paano ka makakatulog ng maayos kung hindi maayos ang tulugan mo? Siguruhing walang lamok at surot. One third ng buhay mo ang nakasalalay sa higaan kaya dapat lang na maayos ito. Kahit pa medyo mahal ang kama, it’s worth the investment. Kung puwede nga, maglagay ka pa ng air conditioner para mahimbing ang tulog, di ba? Remember, buhay mo at uri ng pamumuhay mo ang nakasalalay rito kaya gawin mo ang tama.