DAPAT na tulungan muna ng Kongreso ang mga sinalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal bago ang imbestigasyon sa sinasabing mga naging pabaya sa pagbibigay ng babala tungkol sa naturang pagsabog.
Sa kanyang ‘Aide Memoire’ kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin G. Romualdez, hinimok ni Albay Representative at House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda ang mga kapwa niya mambabatas na tugunan muna ang mga pangangailangan ng mga nasalanta kaysa panukalang imbestigahan ang Phivolcs dahil diumano sa atrasadong babala nito kaugnay sa pagputok ng bulkan. “Tumulong muna tayo. May tamang panahon para sa imbestigasyon,” dagdag niya.
“May natatanging kakayanan ang Kamara na tumulong sa pangangalap ng ayuda para sa mga sinalanta. Maaaring gamitin ng mga mambabatas ang kanilang mga Congressional district offices bilang tipunan ng mga ayuda mula sa publiko at pagbibigay kaalaman at tulong sa mga biktima ng kalamidad. Bukod pa ito sa mahalagang kapangyarihan ng Kamara na bumalangkas ng mga panuntunan at programa sa mabisang pagtugon sa mga kalamidad,” paliwanag ni Salceda, isang kilalang eksperto sa pangangasiwa sa mga kalamidad
Nanawagan ito na isabatas agad ang panukalang paglikha ng Department of Disaster Resilience (DDR) na akda rin niya. Pasado na ito sa Kamara at naghihintay ng aksiyon ng Senado. Panukala rin niyang suportahan din ang hihilinging tulong ng Malakanyang para tugunan ang naganap na malawakang pananalasa ng Bulkang Taal. “Kasama rito ang panukalang paglikha ng Taal Eruption Recovery, Rehabilitation and Adaptation (TERRA) Plan,” na poponduhan ng P60 bilyon hanggang P100 bilyon. Ito’y batay sa ‘building back better forward principle’ na ang layunin ay hindi lamang maibalik ang dating kaayusan ng mga pamayanan kundi tiyakin ang kanilang makabuluhang pagsulong lalo na at malapit lamang ang mga ito sa Kamaynilaan.
Para sa pangmatagalang istratehiya sa mabisang pagtugon sa mga kalamidad, panukala ni Salceda na ipaloob ng Kongreso sa DDR ang “’all-of-nation’ convergences approach for disaster resilience,” at kasama rito ang ‘calamity insurance’ na dapat din na talakayin agad ng Kamara.
Binigyan niya ng diin ang kahalagahan ng DDR para sa madali at nakatuong pagbabantay. Sa kasalukuyan, ang pagbabantay ng Phivolcs at Pa-gasa ay isa lamang sa mga atas ng kanilang ‘mother agency,’ ang Department of Science and Technology (DOST) kaya ito’y nasa ‘sub-cabinet’ na antas lamang, pati na ang laang suporta at atensiyon.
Comments are closed.