NGAYON ang huling araw sa 3-day job fair na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Pasay na may temang “Trabaho, Turismo at Asenso” sa ilalim ng pamamahala ng Pasay Employment and Services Office (PESO).
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na naisakatuparan ang pagsasagawa ng job fair sa pakikipagkoordinasyon sa dalawang ahensiya ng gobyerno na Department of Tourism (DOT) at ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinimulan ang job fair nitong Setyembre 22 na magtatagal ng hanggang Setyembre 24 na kasalukuyang ginaganap sa SMX Convention Center na matatagpuan sa SM Mall of Asia (MOA).
Hinikayat ang lahat ng interesadong naghahanap ng trabaho sa lungsod na magdala ng kanilang sariling ballpen pati na rin ng kanilang updated na resume at magtungo sa SMX Convention Center at lumahok sa naturang kaganapan.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ang mga aplikante na huwag kalimutang sumunod sa EMI habit (Ensure to always wash your hands, Mask is a must, and Implement physical distancing) na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.
Para sa karagdagang impormasyon, pinayuhan ang mga aplikante na bisitahin ang opisyal na Facebook page ng Pasay-PESO sa https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=468674605304144&id=100064848244678. MARIVIC FERNANDEZ