NGAYONG panahon na ng tag-init, unti-unti nang napapansin ang labis na pag-init ng hangin at ng kapaligiran. Hindi kataka-taka na nauso na naman ang mga malamig na inumin gaya ng mga fruit shake at halo-halo. Napakarami na rin ng mga bumibiyahe patungo sa mga probinsiya upang magbakasyon, lalo na sa mga probinsiyang may magagandang mga dagat. Sa opisyal na pagdeklara ng panahon ng tag-init ay nagpapaalala rin ang PAGASA na maghanda para sa isang ganap na El Niño. Inaasahang matagal mararamdaman ang epekto ng El Niño. Puwede itong umabot ng Agosto 2019. Hihina ngunit hindi mawawala hanggang Disyembre 2019. Isa sa mga paghahandang dapat nating gawin ay ang ukol sa matalino at masinop na paggamit ng koryente at ng tubig.
Bunsod ng pagdating ng tag-init, inaasahang tataas din ang konsumo sa koryente dahil malamang ay mas matagal gagamitin ang mga kagamitang de koryente na maaaring makakontra sa init ng panahon gaya ng mga bentilador at mga aircon. Dahil din sa summer na nga, bakasyon na rin ng mga estudyante kaya maaaring mas maraming tao ang mamamalagi sa bahay. Mas marami rin ang mga kagamitang maaaring gamitin panlibang gaya ng mga telebisyon, gaming console, kompyuter, at iba pa. Ibig sabihin, tiyak na makadaragdag ito sa konsumo na maaaring dumagdag din sa kabuuang bill na babayaran sa koryente. Upang makaiwas sa mataas na bayarin, kailangang ugaliin ang masinop at matalinong paggamit ng koryente pati na rin ng tubig dahil sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagbaba ng lebel ng tubig sa mga dam na ating pinagkukuhanan ng supply ng tubig gaya ng Angat Dam at La Mesa Dam na nauna nang umabot sa kritikal na lebel.
Salubungin man tayo ng mataas na demand sa koryente sa mga susunod na buwan, hindi ito nangangahulugan na may krisis na rin sa supply ng koryente gaya ng sa tubig. Gayunpaman, hinihimok namin ang lahat, hindi lamang ang aming mga customer, na magtipid sa paggamit ng koryente ngayong panahon ng tag-init.
Ngayong darating na Mayo, kasabay ng bakasyon ng mga estudyante, ay nakatakdang ganapin ang eleksiyon. Ayon kay 1-Care Representative at Vice Chair ng Committee on Energy, Rep. Carlos Roman Uybarreta, dapat maghanda ang mga kooperatiba ng koryente sa mga probinsiya dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga turista at sa pansamantalang pag-uwi ng mga estudyante sa kani-kanilang mga probinsiya ngayong bakasyon. Mababawasan ang demand ng koryente sa Maynila ngunit ang kabawasang ito ay lilipat sa mga probinsiya kayat dapat maging tutok ang mga kooperatiba sa pagtugon sa nakaambang paglaki ng demand sa kanilang lugar na nasasakupan.
Isa sa mga pangunahing adbokasiya ng 1st Consumers Alliance for Rural Energy o 1-Care Partylist ay ang pagsiguro na ang mga tao sa mga rural area ay may access sa mga pangunahing pangangailangan ng mga ito gaya ng koryente, tubig, at iba pa. Nilalayon din ng grupo na protektahan ang karapatan ng mga mamamayan sa mga rural area sa bansa. Sa kasalukuyan, apat na ang naipapasa nilang mga panukalang-batas.
Noong nakaraang taon, naisabataas ang ECRF or Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund Act (RA11039) sa pangunguna ni Uybarreta. Ito ay tungkol sa pagtatabi ng P750 milyon bilang nakaabang na pondo na maaaring gamitin ng mga kooperatiba ng koryente sa restorasyon ng mga masisirang pasilidad ng koryente sa tuwing may kalamidad sa bansa. Isa rin si Uybarreta sa nagsulong ng Energy Virtual One-Stop Shop Act (RA11234) o EVOSS na naisabatas noong ika-8 ng Marso 2019. Layon ng batas na ito na mas mapabilis ang pag-proseso ng mga dokumentong kailangang isumite ukol sa proyektong may kinalaman sa generation, transmission, at distribution ng koryente. Isa pang batas na naisulong ni Uybarreta, kasama ang iba pang mga mambababatas ay ang Energy Efficiency and Conservation Act. Aprubado na ito sa bicameral committee noong ika-16 ng Enero 2019. Ang pokus naman ng nasabing batas ay ang pagkakaroon ng standard na pamamaraan ukol sa matalino at masinop na paggamit ng koryente sa bansa.
Kasama rin si Uybarreta sa nagsulong ng Murang Kuryente Act (HB1950) na naaprubahan na ng Bicameral Committee noong ika-7 ng Marso at naghihintay na lamang ng pirma ni Pangulong Duterte.
Nawa’y dumami pa ang mga grupong kagaya ng 1-Care Partylist na naglalayong mapabuti ang serbisyong ukol sa koryente para sa mga konsyumer. Ngayong panahon ng tag-init ay ugaliin nawa nating lahat ang matalino at masinop na paggamit ng koryente at tubig gaya kung paano natin gagamitin ang ating karapatan sa pagboto sa darating na eleksiyon sa Mayo. Ang ating mga desisyon sa kasalukuyan ang siyang magpapasiya sa ating kinabukasan. Siguraduhin nating ito ay magiging mabuti at mainam para sa ating lahat pati na rin sa mga susunod na henerasyon. Tatlong bagay ang iwasan nating sayangin – tubig, koryente, at ang ating boto.
Comments are closed.