KAILANGAN nang bumalik sa on-site work ang information technology-business process outsourcing (IT-BPO) companies na nag-o-operate sa special economic zones simula sa Abril 1, 2022 para hindi sila mapatawan ng multa.
Ayon kay PEZA Director General Charito Plaza, dapat sundin ng mga locator ng investment promotion agency ang desisyon ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) na nagbabasura sa mga kahilingan na palawigin ang remote work arrangement na magtatapos sa Marso 31.
Dahil dito, kailangan nang bumalik sa kanilang tanggapan ang mga manggagawa simula sa Abril 1.
Nakasaad sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Section 2, Rule 22 ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law na, “Any violation of the provisions of the law, including other related revenue regulations, orders or issuances of the government shall result in revocation or suspension of the incentives or business closure of registered business enterprises.”
Sinabi naman ng Department of Finance (DOF), ang parent agency ng FIRB, na maaaring ipagpatuloy ng IT-BPO companies sa economic zones ang WFH setup subalit mawawala sa kanila ang natatanggap na tax incentive tulad ng income tax holidays at 5% tax on gross income earned.
Nakasaad sa Republic Act 7916 o the Special Economic Zone Act of 1995 na lahat ng registered companies na nag-o-operate sa ecozones ay dapat makinabang sa tax incentives.